Calendar

PNP naglunsad ng CASSN
ALINSUNOD sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapalaganap ng maka-komunidad na pamamahala, inilunsad ng Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules ang Community Assistance, Safety, and Support Network (CASSN) sa Binondo, Manila.
Layunin ng aksyon na palakasin ang ugnayan at pakikiisa sa Filipino-Chinese at iba pang dayuhang komunidad bilang tugon sa pangamba sa kidnapping, pangongotong at iba pang transnational crimes.
Pinangunahan ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang seremonya kasama sina PNP Deputy Chief for Administration, Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Robert T. Rodriguez, PNP Director for Police-Community Relations, Major Gen. Roderick Augustus B. Alba, PNP Criminal Investigation and Detection Group director, Maj. Gen. Nicolas D. Torre III at National Capital Region Police Office director, Maj. Gen. Anthony A. Aberin.
Dumalo din sa pagpupulong sina Police Community Affairs and Development Group director, Brigadier Gen. Marvin Joe C. Saro, Manila Police District director, Brig. Gen. Benigno L. Guzman, PNP Anti-Kidnapping Group director, Colonel David N. Poklay at PNP Public Information Office chief, Col. Randulf T. Tuaño.
Nakipagpulong ang mga opisyal ng PNP sa mga lider ng Foreign Nationals Keepers Network, Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry. Inc. at Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. at kay Undersecretary Nestor B. Sanares ng Department of Interior and Local Government.
Kabilang sa mga layunin ng CASSN ang pagtatatag ng mga operational units sa mga pangunahing lungsod upang magsilbing direktang ugnayan sa mga foreign communities, pagbibigay ng culturally competent police services at pagsasapormal ng mga pakikipagtulungan sa pamamagitan ng Memoranda of Agreement
Kasama rin sa programa ang pagsasanay sa mga tauhan ng PNP sa basic Chinese at iba pang mahahalagang lenggwahe, gayundin ang pagbuo ng mga pamamaraan para sa outreach, engagement, at agarang pagtugon sa krimen.
“Ito ay kahandaang operasyonal na may malasakit. Ang CASSN hindi lamang simpleng pagpapatayo ng help desks o pagtalaga ng mga liaison officers.
Ito’y isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang ating police services ay umaabot sa bawat sulok ng ating bansa,” sabi ni PNP chief Gen. Marbil.
Magsisimula ang CASSN initiative sa Binondo, Quezon City at mga siyudad ng Angeles, Baguio, Cebu at Davao.
Ang mga lugar na ito ang magiging pilot communities kung saan ang mga bihasang liaison officers magsisilbing tulay sa PNP sa kultura at wika, upang palakasin ang kakayahan ng komunidad sa pag-uulat ng mga krimen, koordinasyon sa pagtugon, at pagpapatatag ng tiwala.