PNP

PNP NASAMSAM MAHIGIT ₱21 MILYONG HALAGA NG HINIHINALANG SMUGGLED CIGARETTES SA ZAMBOANGA CITY

Alfred Dalizon Dec 2, 2025
730 Views

NAKAPAGTALA muli ang Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ng isang malaking tagumpay laban sa smuggling matapos masabat ang tinatayang ₱21 milyon na halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Zamboanga City nitong Linggo ng umaga.

Dakong 9:00 AM, Nobyembre 30, 2025, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng R2/RSOU (lead unit), PNP CIDMU-SIU, RMU9, HPG, CIDG, S2 MBLT-1, at Bureau of Customs sa Port Area, Zamboanga City. Nasabat ang isang puting six-wheeler wing van (Plate No. KBC 9341) na naglalaman ng humigit-kumulang 300 master cases ng assorted cigarettes na pinaniniwalaang ipinuslit sa lungsod.

Kinilala ang suspek na isang driver, 42 taong gulang at residente ng Barangay San Jose Cawa-Cawa. Agad siyang inaresto para sa karagdagang imbestigasyon. Ang mga nakumpiskang items at ang sasakyan ay dinala sa CIDMU-SIU para sa wastong dokumentasyon at paghahanda ng mga kaukulang kaso.

Isinagawa ang operasyon alinsunod sa Interim Guidelines on Anti-Agricultural Economic Sabotage (AAES). Tumulong ang personnel ng RMU9 sa inventory, dokumentasyon, at koordinasyon sa National Tobacco Administration (NTA) at Bureau of Internal Revenue (BIR). Patuloy ang pagsusuri bago pormal na isampa ang kaso para sa paglabag sa RA 12022 (Anti-Agricultural Economic Sabotage Act).

Pinuri ni Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mga tauhan dahil sa kanilang pagiging alerto at maayos na pagtutulungan.

“Hindi lang ito simpleng huli—this is about protecting our economy and our people. Kapag may pumapasok na smuggled goods, talo ang magsasaka, negosyante, at pati ang mga mamamayan.

Kaya tuloy-tuloy ang laban natin dito,” ani PLTGEN Nartatez.

Binigyang-diin din ni Chief PIO at PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño ang kahalagahan ng naturang operasyon.

“Kapag napipigilan natin ang mga ganitong aktibidad, ramdam ‘yan ng buong komunidad. We are cutting off the resources that fuel illegal networks. Asahan ng publiko na hindi kami bibitaw sa ganitong laban,” ani PBGEN Tuaño.

Tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang imbestigasyon upang tukuyin ang iba pang mga sangkot at ang posibleng mas malawak na grupo sa likod ng ilegal na operasyon.

Ang tagumpay na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan upang protektahan ang ekonomiya at tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng batas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na patuloy na nagbibigay-diin sa pagpapalakas ng border protection at pagpigil sa economic sabotage.