Suspek

Sispek sa paanghihipo nagtago, tiklo sa Burgos

Edd Reyes Dec 2, 2025
224 Views

ARESTADO ng mga tauhan ng Valenzuela police sa Pangasinan ang lalaking suspek sa paulit-ulit na pangmomolestiya sa dalagitang biktima.

Sa tulong ng Pangasinan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nadakip ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang 31-anyos na si alyas Popoy noong Lunes sa Burgos, Pangasinan.

Kinasuhan si Popoy ng magulang ng batang paulit-ulit umano niyang hinihipuan sa maseselang parte ng katawan habang naninirahan noon sa Valenzuela City.

Nahuli ang suspek dahil sa warrant of arrest mula kay Valenzuela City Family Court Presiding Judge Mateo Altarejos ng Branch 16 para sa limang bilang ng lascivious conduct sa ilalim ng RA 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act).

Naglaan ang korte ng P180,000 piyansa sa bawat count ng kaso para sa pansamantalang paglaya ng akusado.