Scam Source: File photo

PNP sa publiko: Mag-ingat sa online holiday scams

Alfred Dalizon Nov 18, 2025
308 Views

TATLUMPU’T-PITONG araw bago ang Pasko, lubos na pinaalalahanan ng Philippine National kahapon ang publiko na maging alerto laban sa mga online scammers na bumibiktima sa mga maagang namimili ng bagong gamit o regalo ngayong darating na holiday season

Sa kanilang ulat kay Acting PNP Chief, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., iniulat ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na mula Enero hanggang Nobyembre 13 nitong taon mayroong kabuuang 3,941 na kaso na ng online scams ang kanilang naitala.

Kabilang sa mga pinakakaraniwang scam ang online selling (1,630 kaso), investment/task (589), vishing (431), hijacked profile/ID (326), at loan/lending (251). Mayroon ding ibang mga modus gaya ng accommodation/travel scams (135), smishing (113), fake bookings (99), phishing (108), e-wallet fraud (79), romance/love scams (50), employment/seminar scams (40), debit/credit card fraud (50), parcel/package scams (27), at fake receipt o “legit buyer” scams (13).

“Ngayong papalapit ang Pasko, mas nagiging agresibo ang mga online scammer,” sinabi ng Hepe ng Pambansang Pulisya. “Hinihikayat namin ang lahat na doblehin ang pag-check sa mga online sellers, iwasan ang pag-click sa hindi kumpirmadong links, at huwag ibahagi ang OTP o banking details sa iba,” dagdag pa niya.

Ayon sa PNP-ACG na pinamumunuan ni Brigadier Gen. Wilson P. Asueta, aktibo ang mga scammers sa pagpapakalat ng pekeng promo links, pekeng parcel delivery alerts, phishing messages, at mapanlinlang na online investment schemes na naglalayong nakawin ang personal na impormasyon at pinaghirapang pera.

Dahil dito, pinapayuhan ng PNP ang publiko na makipag-transact lamang sa mga verified online stores at maging maingat sa mga alok na “too good to be true.”

“Siguraduhing kumpirmahin ang parcel notifications sa pamamagitan ng opisyal na courier apps o website, at protektahan ang online banking accounts gamit ang two-factor authentication. Agad na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad,” ayon kay Lt. Gen. Nartatez.

“Habang papalapit ang kapaskuhan, tumataas ang bilang ng naloloko online. Kaya hinihikayat namin ang publiko na maging mapanuri sa bawat transaksyon. Kung may duda, huwag ituloy—mas mabuting mag-ingat kaysa maging biktima,” dagdag pa ng PNP Chief.

Ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. upang maprotektahan ang mga Pilipino sa online space, lalo na ngayong abala ang holiday shopping season.

“Sa pagpasok natin sa pinaka-abalang shopping season ng taon, ang pinakaligtas na transaksyon ay yung nasubukan at napatunayan na. Magtulungan tayo upang maging ligtas, secure, at scam-free ang Pasko ngayong taon,” sinabi ni PNP spokesperson, Brig. Gen. Randulf T. Tuaño.

Hinihikayat ng PNP ang lahat na maging mapanuri at tiyaking lehitimo ang bawat online transaction. “Kung ikaw ay nabiktima ng cybercrime, agad itong i-report sa pinakamalapit na PNP ACG office o tumawag sa Unified 911 para sa agarang aksyon. Nanatili kaming tapat sa aming misyon na panagutin ang mga online scammers at protektahan ang publiko laban sa pandaraya,” ayon kay Brig. Gen. Tuaño.