DA

DA: May P571M para sa mga magsasakang binayo ni Tino, Uwan

Cory Martinez Nov 18, 2025
235 Views

NAGLAAN ng P571.3 million ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) upang bayaran ang naka-insured na pananim ng mga magsasakang napinsala ng bagyong Tino at Uwan. ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

“Bahagi ito ng assistance package na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tulungan ang mga food producer na mabilis na maka-recover,” ani Tiu Laurel Jr.

Kailangan ang mas malawak na insurance coverage dahil tumitindi ang epekto ng climate change at malubha ang mga kaganapan sa takbo ng panahon, sabi ng kalihim.

Sa report kay Tiu Laurel, sinabi ni PCIC President Jovy Bernab na tinatayang 65,176 na mga naka-insured na magsasaka sa 14 na rehiyon ang naapektuhan ng dalawang bagyo.

Tinatayang P147.3 million ang lugi sa palay, P55.6 million sa mais at P224.3 million sa high-value crops.

Ang Region V, partikular sa Catanduanes, ang pinakamatinding tinamaan at nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng claimants na 10,958 at may potensiyal pay-outs na tinatayang nasa P119.4 million.

Sinabi ni Bernabe na inatasan na ang regional PCIC teams na tumulong at pabilisin ang proseso sa claim upang maiwasan ang pagkaantala ng cash flow para sa mga apektadong magsasaka.

“Naglabas kami ng mahigpit na instructions sa ating regional staff na ipagpatuloy ang pag-asiste sa mga magsasaka at bilisan ang proseso sa kanilang bayad pinsala,” aniya.

Winalis ng dalawang kalamidad ang tinatayang 19.2 million metriko tonelada ng produksiyon sa 43,882 ektarya.