Calendar
PNP suportado panukalang pabuya para sa info na makakatulong maaresto Zaldy Co
SINABI nitong Huwebes ni Philippine National Police Acting Chief, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na susuportahan niya ang anumang hakbang ng pamahalaan na mag-alok ng pabuya sa mga mamamayan na makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pag-aresto kay dating Ako-Bicol party-list representative na si Zaldy Co at iba pang mga akusado sa multibilyon- pisong anomalya sa flood control projects.
Iginiit ng pinuno ng PNP na nakikipag-ugnayan sila nang malapitan sa Office of the President at sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuan ni Secretary Juanito Victor C. Remulla sa kanilang puspusang pagtugis kay Co at sa kanyang mga kasamahan dito man sa bansa o sa abroad.
Pinaniniwalaang nagtatago sa Portugal, nanawagan si Sec. Remulla sa mga Pilipinong maaaring makakita sa dating kongresista na kuhanan siya ng larawan at ibigay sa pamahalaan ang anumang impormasyong magtuturo sa kanyang kinaroroonan, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad.
Nanawagan naman si Lt. Gen. Nartatez sa libo-libong pro at anti-government protesters na lumahok sa pangkalahatang mapayapang Trillion Peso March Part 2 noong Linggo na magbigay ng impormasyon na makatutulong sa pag-aresto ng mga personalidad na pinaghahanap pa ng Sandiganbayan kaugnay ng halos P300 milyong anomalous flood control project sa Oriental Mindoro.
Gayunpaman, sinabi ng mataas na opisyal ng PNP na wala pang pormal na rekomendasyon sa usaping ito, ngunit tiniyak niyang susuportahan nila ang anumang desisyon mula sa Malacañang.
Tulad ng naunang iniulat ng Journal Group, ang pabuya—katulad ng ibinibigay ng DILG, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Drug Enforcement Agency para sa impormasyong magtuturo sa mga most wanted criminals, terorista, at mga drug traffickers at smugglers—ay malaking tulong para maaresto sina Co at ang kanyang mga kasamahan.
Matagal nang “bumibili ng impormasyon” ang pamahalaan mula sa mga sibilyang impormante. Dahil dito, daan-daang notoryus na kidnappers, magnanakaw, mamamatay-tao, terorista, at drug lords ang naaresto o naneutralisa, pati na rin ang pagbawi sa multi-bilyong pisong halaga ng shabu at iba pang ipinagbabawal na droga.
Mula pa noong 2005, ang PDEA: Operation Private Eye ay nagresulta sa pag-aresto ng daan-daang “big fishes” sa ilegal na droga at pagkumpiska ng sampu-sampung bilyong pisong halaga ng shabu at iba pang ipinagbabawal na substance.
Hinihikayat ng Operation Private Eye ang publiko na maging mata at tainga ng kanilang komunidad sa kampanya laban sa ilegal na droga. Isa itong reward at incentive program na naglalayong ganap na maengganyo ang mamamayan sa pambansang kampanya kontra droga, sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga ilegal na aktibidad sa kanilang lugar.
Sa unang quarter ng 2025 lamang, mahigit P7 milyon na cash rewards ang iginawad sa 16 na sibilyang boluntaryo na ang mga ulat ay nagbunsod sa matagumpay na 22 anti-illegal drug operations sa buong bansa.
Ang Operation Private Eye Reward Committee—binubuo ng mga pangunahing opisyal ng PDEA at mga miyembro mula sa business, academe at religious sectors na may napatunayang integridad—ang nag-evaluate at nag-apruba sa pagbibigay ng pabuya sa mga kwalipikadong impormante.
Ibinibigay ang PDEA reward money sa mga informant na kailangang magsuot ng mask upang itago ang kanilang identidad at protektahan sila sa posibleng paghihiganti ng mga drug syndicates.
Noong Lunes, umapela si Sec. Remulla sa mga Pilipino sa ibang bansa na tulungan ang pamahalaan sa paghahanap kay Co, na pinaniniwalaang nasa Portugal—isang bansang walang extradition treaty sa Pilipinas.
Hinimok pa niya ang mga Pilipino abroad na kuhanan ng larawan ang dating mambabatas na nagbitiw noong Setyembre kasunod ng imbestigasyon sa substandard at “ghost,” o hindi umiiral, na flood control projects. “Humihiling kami sa mga Pilipino sa buong mundo: kung makita nila si Zaldy Co, kuhanan nila ng picture, ipadala agad, i-post agad sa internet, para malaman namin kung nasaan siya,” aniya.
Kumpiyansa si Sec. Remulla na maaaresto—“100 percent”—ang mga subject ng arrest warrants, at tiniyak na kalaunan ay mahuhuli rin ang “mas malalaking isda.”
“Hindi issue ang pagdakip sa kanila. Kung nasa Pilipinas sila, matatagpuan sila. Ang hinihintay natin ay ang pag-andar ng hustisya. Maghahain ng kaso ang Ombudsman sa tamang panahon, at pagkatapos niyan, kapag may warrant na, mahuhuli natin sila. Isandaang porsyento, mahuhuli natin sila,” aniya.
Nanawagan din si Lt. Gen. Nartatez sa publiko, kabilang ang mga lumahok sa Trillion Peso March, na magbigay ng impormasyon na tutulong sa pag-aresto sa mga natitirang suspek sa multi-bilyong flood control anomalies na mismong inilahad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Sana yung mga nag-rally, nagbigay na lang ng information para mahuli yung tatlong at-large pa dito sa atin. Tingnan ninyo yung malaking resources na ginamit ng government para makatulong sa pag-usad ng kaso, at para mabantayan ang mga nagra-rally din,” aniya, sabay sabing naging mapayapa ang mga pagpoprotesta noong Linggo.
Ayon sa opisyal, lubos nilang pahahalagahan kung ang isa man lang sa tinatayang 50,000 protesters noong Linggo ay makapagbibigay ng kredibleng impormasyon na magtuturo sa mga natitirang suspek.
“Kung yung 50,000 na rallyists, mag-tip, maganda sana. Pero nakikita ninyo, kumikilos talaga ang PNP simula nang ma-expose ang flood control anomalies na ito. Tandaan ninyo na noong 2024 pa ni-veto ni President Marcos ang budget. Nang inalis niya, me nakalusot pa kaya mino-monitor niya ang implementation. Sa SONA 2025, sinabi niyang mahiya naman kayo at nagpa-imbestiga siya kaya ngayon lumalabas na ang mga kaso,” sabi ni Lt. Gen. Nartatez.
Sinabi pa niya na nakikipag-ugnayan sila sa Interpol para sa paghahanap at pag-aresto sa mga suspek sa flood control mess na nasa bansa man o nagtatago sa abroad at gumagamit pa ng ibang pangalan upang makatakas sa batas.

