ici

Sotto: Buo ang suporta na magkaroon ng permanenteng anti-graft commission

247 Views

IPINAHAYAG ni Senate President Vicente Sotto III ang buong suporta sa panawagang lumikha ng isang permanenteng anti-corruption commission na papalit sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), kasunod ng pagbibitiw ni ICI Commissioner Rogelio Singson na nagsabing kulang sa kapangyarihan at pondo ang komisyon upang gampanan ang mandato nito.

Ayon kay Singson, dapat nang magpasa ang Kongreso ng batas na magtatatag ng isang statutory commission na may malinaw na investigative at enforcement powers upang mabantayan ang mga malalaking proyekto sa imprastruktura. Sinabi niyang ang ICI—na nilikha lamang sa pamamagitan ng administrative issuance—ay limitado ang kapangyarihang humingi ng dokumento, magsagawa ng technical audit, mag-imbestiga o magrekomenda ng parusa.

Nagpahayag din ng pangamba si Senator Sherwin Gatchalian sa biglaang pagbibitiw ni Singson. “The sudden resignation of former Secretary Babes Singson is a significant loss for ICI. He is known as a man of integrity and technical expertise in government projects. The ICI should immediately find a replacement of the same caliber to avoid losing momentum in the fight against corruption,” ayon kay Gatchalian.

Tumugon naman si Sotto sa panawagan ni Singson at binigyang-diin na matagal na niyang itinutulak ang pagpapalakas ng anti-corruption framework ng pamahalaan sa sektor ng imprastruktura. “Precisely why I am pushing it,” ani Sotto, na nagsabing ang paglikha ng permanenteng komisyon sa pamamagitan ng batas ay makapupuno sa mga puwang ng pananagutan at makaiiwas sa iregularidad sa malalaking proyekto ng gobyerno.

Isinusulong ni Sotto ang isang panukalang batas na mag-iinstitusyonalisa ng anti-corruption commission na may malinaw na kapangyarihang mag-imbestiga, magsagawa ng real-time audits at direktang makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways, National Economic and Development Authority at Commission on Audit. Target nitong tiyaking sumusunod ang mga proyekto sa infrastructure standards, bantayan ang procurement processes at maglabas ng mga ulat na maaaring magresulta sa administratibo o kriminal na aksyon.

Ayon kay Sotto, limitado ang ICI dahil wala itong statutory authority kaya hindi nito nagagamit ang buong saklaw ng kapangyarihang kailangan upang mapigil ang anomalya sa mga multi-bilyong pisong proyekto. Idinagdag niyang dapat magkaroon ang panukalang komisyon ng sariling pondo at technical personnel para sa tuluy-tuloy na inspeksiyon sa pambansa at lokal na antas.

Inaasahang tatalakayin pa ng mga mambabatas ang panukala bilang bahagi ng patuloy na pagrepaso sa mga reporma para sa transparency at accountability sa paggastos para sa imprastruktura, lalo na’t umaabot na sa daan-daang bilyong piso ang taunang badyet para sa public works.