Calendar
Lacson: Higit P79B nalustay sa mga ghost flood control projects
HIGIT P79 bilyong pondo ng bayan ang posibleng nawala dahil sa mga ghost flood control projects mula pa noong 2016 — hindi pa kabilang dito ang mga palpak o substandard na proyekto, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson.
Batay ito sa ulat na isinumite ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Lacson. Ayon sa datos, sinuri ng AFP at PNP ang mahigit 13,000 proyekto at lumabas na 494 dito ay hindi umiiral sa aktwal.
“The DPWH submitted to the Blue Ribbon Committee an updated report. Combined with the new data… it appears the number of ghost projects was 494 out of some 13,000 projects,” ani Lacson.
Aniya, sa kabila ng kabuuang P79 bilyon na posibleng nalustay, halos P12 bilyon pa lamang ang naipap-freeze ng Anti-Money Laundering Council mula sa mga kuwestiyonableng account.
Kahit pa nakapagbalik na si dating DPWH district engineer Henry Alcantara ng P110 milyon at may posibilidad na makapag-refund pa ng P200 milyon, malayo pa ito sa nawalang halaga. “Hindi pa natin nabibilang ang substandard,” ani Lacson sa panayam sa DZBB.
Hinimok niya ang Office of the Ombudsman na makipag-ugnayan sa civil society groups at akademya upang mas mapalawak ang imbestigasyon. Nanawagan din siya sa AMLC na mas agresibong i-freeze ang mga account na konektado sa katiwalian.
Ayon pa sa senador, bukas ang Senate Blue Ribbon Committee na tumulong sa Department of Justice, Office of the Ombudsman, at sa bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI), sakaling may lumitaw pang impormasyon. “So kung may lalabas na bagong information sa ibang lugar, hopefully makatulong kami sa ICI, Ombudsman at DOJ,” aniya.
Sa panig ng lehislatura, binanggit ni Lacson na nagsimula na ang Senado sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa transparency sa deliberasyon ng 2026 national budget. Kasama rito ang livestreaming ng budget amendment sessions at ang obligasyong ihayag nang publiko ang lahat ng panukalang amendments ng mga senador.
“Hindi uubra ang allocables kasi ginawa naming transparent,” aniya, na tumutukoy sa mga lump sum na pondo na hindi agad tinutukoy kung saan gagamitin. Dati, ayon sa kanya, isinusumite lang ang amendments sa pamamagitan ng papel na walang publikong pagtalakay.
Noong Martes, binasa ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian ang mga individual amendments ng 11 senador. Iaanunsiyo sa mga susunod na araw kung alin ang tatanggapin at kung alin ang ibabasura.
Nauna nang tinuligsa ni Lacson ang allocables bilang bagong mukha ng pork barrel, na aniya’y nakatago sa panukalang National Expenditure Program ng Executive branch.
Suportado rin ni Lacson ang kasunduan ng Senado at Kamara na limitahan ang bicameral conference committee sa mga hindi pinagkakasunduan lamang, upang maiwasan ang mga isiningit na probisyon.
Samantala, inaasahang ipo-post sa transparency portal ng Senado ang lahat ng amendments at mga kaugnay na dokumento. “Mas simple at transparent, at yan ang layunin namin,” ani Lacson.

