Pangilinan

Mas mahigpit na pagpapatupad ng batas vs agri smuggling hiniling

246 Views

NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa agricultural smuggling, babala niyang nananatiling seryosong banta sa seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka ang operasyon ng mga sindikato.

Ayon kay Pangilinan, ang galaw ng food smuggling sa bansa ay “parang POGO,” umano’y pinapatakbo ng ilang dayuhang exporter kasama ang ilang Pilipinong sangkot sa ilegal na pagpasok ng produktong agrikultural.

Tinukoy niya na mula 2021 hanggang 2025, apat lamang sa 132 na naitalang kaso ang naisampa sa Department of Justice, dahil karamihan ay hindi umusad sanhi ng kulang o hindi maayos na dokumentong inihain ng Bureau of Customs.

Ipinakita ng mga operasyon mula 2024 hanggang 2025 ang lawak ng problema. Sa panahong ito, nakapagsagawa ang mga ahensya ng daan-daang anti-smuggling operations at nakasabat ng bilyun-bilyong pisong halaga ng sibuyas, karne, gulay, at isda na maling dineklara upang makaiwas sa pagsusuri. Ilan sa pinakamalaking huli ang mga container na idineklarang household goods ngunit naglalaman pala ng sariwang gulay at iba pang pangunahing produkto.

Iminungkahi ni Pangilinan ang paggamit ng electronic tracking sa mga shipment, mas maigting na koordinasyon sa pagitan ng mga enforcement agencies, mas mataas na pananagutan para sa mga humahawak ng kaso, at agarang inspeksyon sa mga bodega upang maputol ang daloy ng smuggled goods. Binanggit din niya na ang smuggling, hoarding, at profiteering ay dapat ituring na economic sabotage.

Babala niya, kung hindi masusupil ang smuggling, lalo itong makakasama sa mga magsasaka at mangingisda, patuloy na tataas ang presyo ng pagkain, at mas mahihirapan ang mga pamilyang Pilipino—lalo na ang mga maralita—na makabili ng abot-kayang pagkain.