Training Ang pagtatapos noong Abril 30 ng NHQ Reactionary Standby Support Force Training para sa 2025 National and Local Elections at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Election. Source: PNP

PNP tiniyak ligstas na halalan, naka-full alert hanggang May 15

Alfred Dalizon May 3, 2025
25 Views

Training1BILANG pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa maayos at ligtas na pagdaraos ng 2025 national at local elections, isinailalim na sa full alert status ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) mula 12:01 a.m. ng Mayo 3 hanggang 11:59 p.m. ng Mayo 15, o siyam na araw bago ang nakatakdang halalan sa Mayo 12.

Tiniyak din ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil ang kahandaan ng kapulisan.

“Simula ngayong araw, May 3, 2025, naka-full alert na ang buong PNP para tiyaking magiging mapayapa, malinis at maayos ang darating na halalan. Walang puwang ang karahasan at pananakot sa isang demokratikong proseso,” ayon sa opisyal.

Dagdag pa niya, “Buong puwersa ng ating kapulisan ay handang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ngayong election period. Katuwang natin ang Comelec at iba pang ahensya ng gobyerno upang masiguro na marerespeto ang boses ng mamamayan at hindi mapipigil ng karahasan ang halalan.”

Inatasan na rin ni Marbil ang lahat ng Reactionary Standby Support Forces (RSSF), Quick Reaction Forces (QRF) at mga regional units na manatiling naka-standby at handang tumugon sa anumang insidente.

Mas paiigtingin din ang presensya ng pulisya sa mga voting centers at mga critical areas sa iba’t ibang rehiyon.

Muling pinagtitibay ng PNP ang kanilang paninindigan na ipatupad ang batas, suportahan ang Comelec at tiyaking ligtas at malaya ang pagboto ng bawat Pilipino.

Habang papalapit ang araw ng halalan, nananawagan ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag, agad i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad, at makipagtulungan sa mga otoridad na naka-deploy sa mga lugar.