Just In

Calendar

December 2024
M T W T F S S
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
3031  
PNP

PNP walang natanggap na ulat ukol sa banta vs VP Sara

Alfred Dalizon Dec 2, 2024
21 Views

WALANG natatanggap na opisyal na ulat ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa umano’y ‘credible threats’ laban kay Vice President Sara Duterte, ngunit nakahanda silang tumulong sa pagsisiyasat kung hihilingin ang kanilang suporta.

“Sa ngayon po, ang PNP, walang information as to the credible threat against the vice president,” ani PNP spokesperson Brigadier General Jean S. Fajardo sa isang press briefing sa Camp Crame. Inamin niyang likas sa posisyon ng isang bise presidente na makatanggap ng mga banta.

Noong Nobyembre 23, nagbanta si VP Duterte na ipapatumba sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin T. Romualdez kung siya ay ma-assassinate.

Gayunpaman, ayon kay Brig. Gen. Fajardo, wala pa rin natatanggap ang PNP na opisyal na dokumento ukol sa mga banta laban kay Duterte. “But just the same. Since siya po ay ating bise presidente, tinatanggap po natin na ang threat ay inherent sa kanyang position, and we are ready to provide security to her and any other government officials if requested,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din niya na bagama’t walang dokumento sa kanilang hanay, ipinapalagay nila na ang Presidential Security Command (PSC), na namamahala sa Vice Presidential Security Protection Group, ay may hawak na mga naturang dokumento.

Mga baril ni Sara

Ayon sa ulat, ang pamilya Duterte ay may kabuuang 654 rehistradong baril. Si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang may pinakamalaking koleksyon na umaabot sa 363 armas, habang si VP Sara Duterte ay may 28. Ang PNP Civil Security Group ay nagsasagawa pa ng inspeksyon sa lahat ng baril na nakarehistro sa pangalan ng mag-ama.

Naipakita na nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte, at asawa ni VP Sara na si Atty. Manases Carpio ang kanilang mga armas sa Regional Civil Security Unit.

May kabuuang 263 rehistradong baril ang tatlo, kung saan si Paolo ay may 172, si Sebastian ay 61, at si Carpio ay 30.

Kinumpirma ni Brig. Gen. Fajardo na may License to Own and Possess Firearms si VP Duterte, ngunit wala siyang Permit to Carry Firearms Outside of Residence sa kasalukuyan.

Hinimok din niya ang media na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mga insidente sa House of Representatives (HoR) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC) bago gumawa ng anumang konklusyon.

Tumanggi rin siyang pangunahan ang imbestigasyon ng PNP-CIDG at sabihin na ang mga insidente ay maaaring magdulot ng pagkansela ng gun permits ni VP Duterte.

Noong nakaraang linggo, sinampahan ng Quezon City Police District si VP Duterte at ang hepe ng kanyang seguridad na si Col. Raymund Lachica ng mga kasong direct assault, disobedience to persons in authority, at grave coercion sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Sinabi ni Brig. Gen. Fajardo na ang PNP-CIDG ay patuloy na nangangalap ng karagdagang ebidensya at testigo upang makapaghain ng karagdagang kaso laban sa mga sangkot sa mga insidente sa VMMC at HoR, kabilang ang ilang public officials.

Mariin din niyang itinanggi ang mga alegasyon na ang PNP, sa pangunguna ni General Rommel Francisco D. Marbil, ay namumulitika sa pagsasampa ng kaso laban kay VP Duterte.

“Wala pong katotohanan yan. Ang PNP nga ang nagsampa ng charges against some individuals para mapakita sa lahat na wala itong pinapaboran. It was precisely the reason why hindi pinalampas ang pananakit at pagmumura ng iba and it was grounded on the lawful exercise of our mandate,” pahayag niya.

Ayon kay Gen. Marbil, ang pagsasampa ng kaso ay bahagi ng mandato ng PNP na ipatupad ang batas nang patas. “The PNP remains committed to its mandate to enforce the law without fear or favor. The filing of cases against any individual, regardless of status or political affiliation, is a reflection of our duty to the Constitution and the Filipino people,” ani Marbil.

Binigyang-diin din niya na ang kawalan ng aksyon o selective enforcement ng batas ay maaaring magdulot ng kawalan ng tiwala ng publiko.

“If we do not file cases against those accused, what will people say? Takot ang pulis, pangmahirap lang ang pangil ng batas. We cannot allow such perceptions to take root. Our duty is to apply the law to everyone, regardless of their standing, because justice is not selective,” saad ni Marbil.

Dagdag pa niya, natuto ang PNP sa mga nakaraang pagkukulang, tulad ng mga batikos sa ‘tokhang’ ng nakaraang administrasyon.

“We have seen how inaction, or selective application of the law, undermines public trust—like the ‘tokhang’ criticisms of the previous administration, where victims were perceived to be predominantly from the poor. We refuse to let history repeat itself. The PNP is committed to protecting all sectors of society without bias or prejudice,” aniya pa.