PNPM Source: Natioanal Nutrition Council file photo

PNPM posibleng magpataas ng presyo ng pagkain

Jon-jon Reyes May 25, 2026
74 Views

BAGAMA’T kinikilala ng iba’t ibang grupo ang layunin ng gobyerno na isulong ang mas malusog na pagkain, iginiit nilang mahalagang pag-aralan nang mabuti ang planong pagpapatupad ng Philippine Nutrient Profile Model (PNPM), na ayon sa mga industry at policy groups ay maaaring magdulot ng pagtaas sa presyo ng pagkain at dagdag pasanin sa mga consumer.

Bago pa man ang PNPM, hindi kayang bilhin ng karamihan sa mga Pilipino ang tinatawag nilang “healthy diet.” Ayon sa pinakahuling ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO) noong 2024, 44% ng populasyon ng Pilipinas o 51 milyong katao ang hindi kayang kumain nang masustansiya.

Kabilang sa nagpahayag ng pangamba ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), na nagsabing kailangang balansehin ang public health objectives at ang epekto nito sa food affordability at kabuhayan ng mga nasa food value chain. Ayon sa grupo, ang anumang bagong polisiya na may dagdag compliance requirements ay maaaring makaapekto hindi lamang sa malalaking kumpanya kundi pati sa maliliit na food manufacturers, suppliers, at retailers.

May pangamba rin na maaaring maapektuhan ang availability ng ilang pagkain sa merkado, partikular yaong mas abot-kaya at madalas bilhin ng ordinaryong Pilipino. Ayon sa ilang pag-aaral, malaking bahagi ng food consumption sa bansa ay nakatuon sa murang processed food products dahil ito ang mas accessible at kayang bilhin ng maraming pamilya.

Sa mga pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ipinakita na malaking bahagi ng gastusin ng mga Pilipino ay napupunta sa murang pagkain at staples dahil sa limitadong purchasing power ng maraming households. Dahil dito, may mga sektor na naniniwalang kailangang maging maingat sa pagpapatupad ng mga polisiya na maaaring magpataas lalo ng gastusin sa pagkain.

May mga grupo ring nagsabing maaaring hindi sapat ang simpleng paglalagay ng restrictions o warning systems upang tugunan ang malnutrition at obesity. Sa halip, mas kailangan umano ng mas malawak na nutrition education, access sa masustansyang pagkain, at suporta sa kabuhayan upang magkaroon ng mas malusog na food choices ang publiko.

Maging si Executive Secretary Ralph Recto habang kausap ang Food Industry Asia ay nagpahayag na dapat umanong magkaroon ng balanseng pagtingin sa usapin. Ayon kay Recto, mahalagang isulong ang mga layunin para sa pampublikong kalusugan ngunit dapat ding isaalang-alang ang magiging epekto nito sa mga prodyuser, negosyo, at higit sa lahat, sa mga mamimili.