NHA1

Nasunugan sa Tondo tinulungan ng NHA

Jun I Legaspi May 25, 2026
88 Views

NHANHA2TINULUNGAN ng National Housing Authority (NHA) ang mahigit 2,000 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Parola Compound, Tondo, Manila.

Sa direktiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang ahensiya ay nakipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang masuri at maitala ang pangkalahatang bilang ng mga apektadong pamilya na nawalan ng tahanan.

Iniulat ni Tai na inihahanda ng NHA ang mga posibleng tulong na ibibigay ng ahensiya sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.

“Nakahanda po ang pagpapaabot ng NHA ng tulong pinansyal sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program o EHAP. Layunin po ng programa na makatulong sa pagbili ng mga pangunahing materyales sa pagtatayo ng mga pansamantalang masisilungan o pambili ng mga agarang pangangailangan ng mga pamilya habang bumabangon mula sa trahedya,” sabi ni Tai.

Nakasama rin si Tai sa relief operation sa Delpan sports complex noong Mayo 25 sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rexlon Gatchalian, Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at iba pang lokal na opisyal ng lungsod.

Sinabi ng NHA na sa ilalim ng pamumuno ni Tai, ito ay patuloy na sumusuporta at tutulong para sa ganap na pagbangon ng mga kababayang Manileño.