Poe: Tiyakin konsultasyon para sa IRR ng SIM registration

225 Views

DAPAT tiyakin ang malawakang konsultasyon sa mga stakeholder sa pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, ayon kay Sen. Grace Poe.

“Hihintayin natin ang isang IRR na kakatawan sa diwa ng batas para mabigyan ang mamamayan ng depensa sa paglaban sa text scam at misinformation,” sabi ni Poe, sponsor ng batas sa Senado.

Ayon sa isang noncommissioned nationwide Social Weather Station survey na isinagawa mula Sept. 29 hanggang Oct. 2, mayorya ng mga Pilipino ay pabor sa SIM Registration Act.

“The rules will get the ball rolling on our aim to provide a secure and safe mobile phone use in the country while protecting the right to privacy,” diin ni Poe.

May 60 araw ang gobyerno para bumuo ng IRR mula sa pagiging epektibo ng batas noong Oct. 28.

Isinasaad sa Section 12 ng SIM Registration Act na ang National Telecommunications Commission, kasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Privacy Commission, telcos at pangunahing major consumer groups, ang babalangkas ng IRR.

Sa ilalim ng batas, ang mga mobile phone user ay kailangang magparehistro ng kanilang SIM bilang prerequisite para sa activation nito. Lahat ng kasalukuyang SIM holders ay dapat magparehistro sa kanilang mga telco sa loob ng 180 araw mula sa effectivity ng nasabing batas. Maaaring pahabain ng DICT pagpapatala ng hanggang 120 araw.

Ang pagpaparehistro ng SIM ay maaaring gawin electronically sa pamamagitan ng isang platform o website na itatalaga ng telco.

Sa mga malalayong lugar na limitado ang telekomunikasyon o internet access, ang mga inatasang ahensiya ng gobyerno at telco ang magsasaayos ng SIM registration.

Libre ang pagpaparehistro ng SIM sa ilalim ng batas.

Una rito, nagpahayag ang grupong CitizenWatch Philippines na umaasa itong ang mga ahensiya ng gobyernong bubuo ng IRR ay magsasagawa ng hayag at inklusibong konsultasyon.

Ang IRR ay magbibigay ng detalye sa registration requirements at proseso nito para gabayan ang publiko at tiyaking maayos ang implementasyon.

Aniya, ang mga probisyon ng batas na magbibigay ng pananggalang laban sa security risk at data breaches ay dapat ma-highlight sa IRR. Kasama dito ang mga direksiyon para sa epektibong pagtugon at pagresolba kung sakaling mayroong mga reklamo.

“Coming up with the IRR not only signals the urgency to protect the people from scams and misinformation. It also conveys that registration will be facilitated efficiently and securely,” ani Poe.

Ang SIM Registration Act ang unang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.