Utang

Polish national natagpuang nakabigti sa simbahan

Edd Reyes Oct 23, 2025
1082 Views

PATAY na nang madiskubre ng sakristan ng simbahan ang isang Polish national na nakabigti sa rehas na bakal ng bintana ng simbahan araw ng Miyerkules sa Makati City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, nadiskubre ni alyas “Edwin”, 48, sakristan ng St. John Bosco Parish sa Arnaiz Avenue kanto ng Amorsolo, Brgy. Pio Del Pilar, ang nakabiting bangkay ng dayuhang si alyas “Mateusz”, 28, gamit ang nylon na sinturon, nang magbukas siya ng mga ilaw ng simbahan dakong alas-5:35 ng umaga.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na may iniwang liham ng pamamaalam ang biktima sa kanyang pamilya na nakasulat sa wikang Polish.

Dahil dito, dinala ng mga tauhan ng Makati Police Sub-Station-3 sa Embahada ng Republic of Poland sa Maynila ang liham kung saan ipinaliwanag sa kanila ni alyas “Agnieszka”, ang Head of Consular Section, First Counsellor, ang nilalaman ng liham ng pamamaalam

Kabilang dito ang mga problema ng biktima sa pagkahumaling sa sugal, pagkakabaon sa malaking pagkakautang, at isa pang hindi ipinaliwanag na dahilan na nagbunsod ng pagpapatiwakal.

Tumutugma rin ang pagkakasulat sa suicide note ng biktima sa kanyang written specimen sa Embahada kaya’t nangako ang First Counsellor na isasalin nila sa wikang English ang liham upang magamit sa paglalabas ng opisyal na ulat ng pulisya.