Paws Source: PAWS FB file photo

Pondo para sa kapakanan ng mga hayop isinusulong

59 Views

ISINUSULONG ni Sen. Grace Poe ang makataong trato sa mga hayop at ang pangangailangan para sa hiwalay na pondo sa kapakanan ng mga hayop sa 2025 budget.

“We will look at the fiscal space and see how much can be appropriated. But that item in the budget for animal welfare has to be very specific,” sabi ni Poe, ang tagapangulo ng Senate finance committee.

Sinabi ng senadora na ang budget item para sa mga hayop maaaring magkaroon ng mga programa at aktibidad gaya ng anti-rabies shots at suporta para sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng mga dog at cat pounds.

Si Sen. Poe, kasama sina Sens. Cynthia Villar at Nancy Binay, itinutulak ang malawakang pambansang kampanya para sa pag-neuter ng mga aso at pusa bilang bahagi ng responsableng pag-aalaga ng mga hayop.

Ito rin ay naglalayong mabawasan ang mga ligaw na aso at pusa na maaaring magkalat ng rabies kapag kinagat nila ang mga tao.

Sa kasalukuyan, ang pondo para sa kapakanan ng hayop nakapaloob sa Bureau of Animal Industry, na nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA).

Wala namang alokasyon mula sa pambansang pamahalaan para sa mga programa ng pag-spay at pag-neuter.

Nauna nang naghain si Poe ng Senate Bill No. 2458 na naglalayong amyendahan ang Animal Welfare Act upang palakasin ang mga pamantayan, polisiya, alituntunin at pagpapatupad ng batas patungkol sa kapakanan ng mga hayop.

Sinabi niya na may pangangailangan na palakasin ang DA sa pagtugon sa mga isyu ng kapakanan ng mga hayop sa pamamagitan ng isang angkop na ahensya na magkakaroon ng sapat na pondo at permanenteng tauhan.

Iminumungkahi ng panukalang batas ang pagtatatag ng Barangay Animal Welfare Task Force upang bigyan ng kakayahan ang mga lokal na opisyal na tugunan ang mga isyu ng kapakanan ng hayop.

Layunin din ng hakbang na ito na magtakda ng mga pamantayan na naglalayong itaguyod ang responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop.

“We will continue to push for our bill and for adequate animal welfare funds. But responsible ownership is also crucial because as they said, behind every dog or cats on the streets is a human to blame,” sabi ni Sen. Poe.