Santiago

PPA nagpatupad ng ‘no leave policy’ sa Kuwaresma

171 Views

MAGPAPATUPAD ang Philippine Ports Authority (PPA) ng “No Leave Policy” at “Full Manpower” policy bilang bahagi ng paghahanda sa Kuwaresma.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago ang polisiya ay ipatutupad sa mahigit 120 pantalan na nasa ilalim ng ahensya. Magiging epektibo ito mula Abril 3 hanggang 10.

“Naka heightened alert po ang ating mga security personnel at kanselado po ang lahat ng filed leaves ng mga PPA personnel na nasa frontline services ngayong Semana Santa upang masiguradong matutugunan ang pangangailangan ng mga pasaherong dadagsa sa ating mga pantalan,” ani Santiago.

Batay sa passenger traffic statistics ng PPA, noong Semana Santa 2022 mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay ay halos 1.3 milyon ang mga pasaherong naitalang bumiyahe sa mga pantalang pinamamahalaan ng ahensiya.

Ngayong taon ay inaasahang 2.2 milyong pasahero ang dadagsa sa mga pantalan.

Kamakailan ay binuksan na ng PAA ang bago at pinakamalaking Passenger Terminal Building nito sa Port of Calapan. Nauna ng binuksan ang Port Operations Building ng Port of Coron, Palawan at Masbate Port.

“Tamang-tama yung pagbubukas natin ng mga bagong pasilidad sa Masbate, Coron at Calapan nitong mga nakaraang linggo dahil iyan naman ay para talaga sa kaginhawaan ng mga pasahero. Lahat ‘yan ay may maayos at magagandang palikuran, prayer room, breastfeeding area at charging station para sa ating mga biyahero na mangangailangan,” dagdag pa ni Santiago.

Umapela naman ang PPA sa publiko na planuhin ng mas maaga ang kanilang biyahe at iwasan ang last minute booking.