Fuel

Presyo ng gas, kerosene ‘bababa’ matapos ang sunod-sunod na pagtaas

Edd Reyes Jul 12, 2024
109 Views

POSIBLENG bumaba presyo ng gas, diesel at kerosene sa susunod na linggo matapos ang apat na sunud-sunod na linggong pagtaas, ayon sa Oil Industry Management Bureau (OIMB).

Sinabi ni OIMB Assistant Director Rodela Romero ng Department of Energy (DOE) na batay sa apat na araw na kalakalan ng langis sa Mean of Platts Singapore (MOPS), posibleng bumaba ng mula 70 sentimos hanggang 90 sentimos kada litro ang presyo ng gasolina at mula P1 hanggang P1.15 kada litro ang ibababa ng diesel at kerosene.

Ipinaliwanag ni Romero na ang MOPS ang batayan ng kalakaran ng langis sa Southeast Asia kaya dito nakasalalay ang presyo ng mga inaangkat na produktong petrolyo ng bansa.

Ilan sa mga dahilan sa inaasahang pagbagsak ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang paghina ng antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo o inflation rate ng China at ang muling pagtataas ng produkiyon ng langis ng Estados Unidos.