Sibuyas

Presyo ng sibuyas malugod na tinanggap

270 Views
HINDI na kailangan tayong paiyakin ng presyo ng mga sibuyas.”
Malugod na tinanggap kamakailan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang desisyon ng Department of Agriculture (DA) na magtakda ng ₱120 kada kilo na Suggested Retail Price (SRP) sa pulang at puting sibuyas, bilang ginhawa sa mga mamimili ngayong Kapaskuhan.
“Salamat sa pagpataw ng MRSP sa pula at puting sibuyas na 120 pesos kada kilo, at hindi na luluha tayong mga konsyumer sa presyo nito ngayong Kapaskuhan. (Sa trapik tayo luluha pa lalo.),” ayon sa senador.
Ipinatupad ng DA ang price ceiling matapos tumaas sa hanggang ₱200 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sinabi ni Pangilinan na may tiwala siyang pinag-aralang mabuti ng DA ang tamang balanse sa pagitan ng lokal na produksyon at importasyon upang maprotektahan ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili.
“Nagtitiwala tayo sa DA na nakakwenta sa MRSP ang balanse ng production at importation, at ang interes ng mga Pilipinong magsisibuyas at mga mamamalingke,” aniya.
Matagal nang isinusulong ni Pangilinan ang mga reporma sa sektor ng agrikultura. Ayon sa DA, layunin ng bagong SRP na pigilan ang sobrang patong, hoarding, at mga manipulasyon sa presyo. Ipatutupad ito sa buong bansa sa tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan.