Pulis Source: PRO3

PRO3 nagpakalat ng mahigit 12K parak para sa halalan

Bernard Galang May 7, 2025
15 Views

CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga — Nagpakalat ang Police Regional Office 3 (PRO3) ng mahigit 12,000 police personnel sa iba’t ibang polling precincts sa Central Luzon simula noong Mayo 4, 2025 bilang bahagi ng pinaigting na security measures at paghahanda bago ang May 12 elections.

Kasama sa deployment hindi lamang ang mga tauhan mula sa iba’t ibang istasyon ng pulisya kundi pati na rin ang mga mula sa regional at provincial headquarters, upang matiyak ang maayos at mapayapa ang pagsasagawa ng halalan sa buong rehiyon.

“Ang malawakang deployment ng ating mga tauhan ng pulisya ay bahagi ng ating mandato upang matiyak na ligtas ang halalan. Ang ating pokus ay hindi lamang sa seguridad ng presinto kundi pati na rin sa pagprotekta sa karapatan ng bawat botante,”pahayag ni PRO3 director Brig. Gen. Jean S. Fajardo.

“Ang buong rehiyon ay nasa full alert status na ngayon. Ang PRO3 ay may koordinasyon sa COMELEC, AFP, at iba pang ahensya upang magarantiyahan ang mabilis at organisadong pagtugon sa anumang mga insidente na maaaring makagambala sa proseso ng eleksiyon,” dagdag niya.

Hinihimok ng PRO3 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng halalan.