AirAsia

Proposisyon sa kalagitnaan ng kalangitan sakay ng AirAsia Philippines patungong Bohol

260 Views

AirAsia1NAGING bahagi ang AirAsia Philippines sa makabuluhang paglalakbay ng isang magkasintahan patungo sa habang-buhay nang lumuhod ang isang pasahero at inalok ng kasal ang kanyang nobya sa gitna ng kanilang biyahe patungong Tagbilaran, Bohol, sa harap ng kanilang pamilya, mga kaibigan, at kapwa pasahero.

Maingat na pinlano ni Mark Anthony Adviento, 37, ang sorpresang proposal para sa kanyang 32-anyos na nobya na si Myra Donne Chua, at nakipag-ugnayan siya sa AirAsia Philippines ilang linggo bago ang flight upang humingi ng tulong.

Ang World’s Best Low-Cost Airline, na kilala sa pagsusulong ng mga makabuluhang paglalakbay, ay buong pusong sumuporta kay Mark upang gawing isang makasaysayang yugto ng buhay ang isang karaniwang biyahe.

Inilarawan ni Mark ang kanilang relasyon bilang isang “tinugong panalangin.” Unang nagkakilala ang dalawa noong Agosto 2022, ngunit noong Mayo 2024 lamang sila nagsimulang mas kilalanin ang isa’t isa. Matapos ang matiyagang paghihintay at tatlong beses na pagkakatanggihan, sa wakas ay sinagot ni Myra si Mark noong Disyembre 2024—isang patunay sa kababaang-loob, pananampalataya, at pagtitiwala ni Mark sa tamang oras ng Diyos.

Matapos ang ilang buwang masusing paghahanda, isinakatuparan na ni Mark ang inaabangang proposisyon sa flight AirAsia Z2 350, kung saan tinanong niya si Myra kung maaari na ba siyang maging kanyang asawa.

“Pinili kong mag-propose sa flight ng AirAsia dahil kasama namin ang lahat ng aming mahal sa buhay. Ito ang perpektong lugar para sa isang napaka-espesyal na sandali.

Ang mahusay na serbisyo, kaligtasan, at abot-kayang halaga ng AirAsia ang nagpa-dali ng desisyon ko. At dahil sa hashtag na #LoveIsInTheAIRAsia, alam kong ito ang tamang pagkakataon,” pahayag ni Mark Anthony Adviento.

Nagbunyi ang buong cabin nang marinig ang matamis na “oo” ni Myra habang nasa ere—isang patunay na tunay ngang puwedeng lumipad ang pag-ibig, lalo na kung ito’y binuo sa pananampalataya, pasensya, at layunin.

Tiniyak ng airline na ang lahat ng safety protocols ay mahigpit na nasunod sa pagsasagawa ng proposal.