Calendar
Prosecution naghain ng 13 stipulations kapalit ng personal na testimonya ni Fajarda
NAGHAIN ang House prosecution panel ng 13 panukalang stipulation upang hindi muna humarap sa witness stand si dating Department of Education special disbursing officer Edward Fajarda,.
Sinabi ni prosecution counsel Reynaldo Robles na ginawa ang kahilingan bilang pagsasaalang-alang sa kalagayan ni Fajarda.
“Your Honor, we are making this request for stipulation out of due consideration for the health and well-being of Mr. Fajarda,” ani Robles.
Bilang suporta sa ilang panukalang stipulation, binasa ni Robles ang mga bahagi ng testimonya ni Fajarda sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability noong Nobyembre 25, 2024.
Nagkasundo ang prosekusyon at depensa ni Vice President Sara Duterte na itinalaga ni Duterte si Fajarda bilang special disbursing officer ng confidential funds ng DepEd noong 2023.
Tinanggap din ng magkabilang panig na nag-encash si Fajarda ng tatlong tseke na nagkakahalaga ng P37.5 milyon bawat isa o kabuuang P112.5 milyon. May petsang Pebrero 20, Abril 19 at Hulyo 11, 2023 ang mga tseke.
Tinanong ni Antipolo Rep. Romeo Acop si Fajarda tungkol sa P37.5-milyong confidential fund para sa unang quarter ng 2023.
Tinanong ni Acop kung ini-withdraw ni Fajarda ang halagang nakasaad sa tseke at ibinigay ang buong halaga kay Col. Dennis Nolasco.
“Yes, Your Honor, pera bilang po, buo lahat iyon, Your Honor,” sagot ni Fajarda.
Ang tanong at sagot ay tumutukoy sa P37.5-milyong tsekeng tinatalakay noon at hindi tahasang sa buong P112.5 milyon mula sa tatlong tseke.
Ayon din sa transcript, sinabi ni Fajarda na si Nolasco lamang ang binibigyan niya ng confidential funds.
“Wala na po, Your Honor. Sa kaniya,” sagot niya nang tanungin ni Acop kung may ibang tao bukod kay Nolasco na kumukuha ng pondo mula sa kanya.
Nagkasundo ang prosekusyon at depensa sa stipulation na natanggap ni Nolasco ang pondo mula kay Fajarda.
Hindi naman sila nagkasundo kung “turned over” o “disbursed” ang tamang paglalarawan sa paglipat ng pera.
Iminungkahi ni defense counsel Lindon Bacquel ang “disbursed,” ngunit tumutol si Robles, na nagsabing walang dokumentong iniharap na nagpapatunay ng pagbabayad kay Nolasco. “Turned over” ang terminong nais gamitin ng prosekusyon.
Iminungkahi ni Presiding Officer Francis Escudero ang katagang “Nolasco received the funds,” na tinanggap ng magkabilang panig. Ipinaubaya nila sa impeachment court ang pagtiyak kung turnover o disbursement ang transaksyon.
Hindi pa pormal na binabawi ng prosekusyon ang kahilingan nitong ipa-subpoena si Fajarda. Humingi si Robles ng panahon upang kumonsulta sa ibang prosecutors bago magbigay ng pahayag tungkol dito.

