PSA piniga nina Win, Bam, Raffy dahil sa 1,685 pangalan na walang civil registry match

16 Views

PINIGA nina Senate President at Senator-judge Sherwin Gatchalian, Bam Aquino at Raffy Tulfo ang Philippine Statistics Authority kaugnay sa 1,685 pangalang sinabi ng prosecution na walang nakitang civil-registry match sa confidential-fund records ng Office of the Vice President at Department of Education.

Unang tinanong ni Gatchalian kung gaano kalakas ang isang PSA no-match result bilang ebidensiya.

Tinanong niya si PSA Assistant National Statistician Marizza Grande batay sa 25 taon nitong karanasan sa ahensiya.

Sinabi ni Grande na “very slim” ang posibilidad.

Ipinaliwanag niya na maaaring may taong walang birth certificate, ngunit kung nag-asawa o namatay ito, karaniwang nagkakaroon ng record ang isa sa mga naturang vital events.

Nilinaw ni Grande na ang negative PSA certification ay hindi awtomatikong nagpapatunay na hindi umiiral ang isang tao. Ipinapakita lamang nito kung may nakita o walang nakitang katugmang record sa Civil Registry System.

Tinanong din ni Gatchalian kung nagsagawa ang PSA ng panloob na imbestigasyon matapos lumabas na humigit-kumulang 63% ng 2,669 pangalang ipina-verify ay walang nakitang birth, marriage o death record.

Sinabi ni Grande na walang ginawang imbestigasyon ang PSA upang alamin kung totoong tao o hindi ang mga pangalan.

Sa halip, binuo ng ahensiya ang verification results at patuloy na tinitingnan kung may bagong civil-registry documents na dumarating para sa ilang pangalan, kabilang ang “Mary Grace Piattos.”

Ayon sa prosecution, 1,685 sa 2,669 pangalan sa confidential-fund liquidation records ang walang nakitang katugmang birth, marriage o death record sa PSA.

Si Aquino naman ang tumutok sa lawak ng birth-registration records ng ahensiya.

Kinumpirma ni Grande ang pagtaya ni Aquino na humigit-kumulang 3% ang hindi pa sakop ng birth registration.

Ayon kay Grande, kabilang sa mga hindi pa narehistro ang ilang Indigenous Peoples, Muslim Filipinos at mga nakatira sa geographically isolated at remote areas.

Dito itinaas ni Aquino ang tanong kung aliases ang ilan sa mga pangalang walang match.

“Kung alias po ito, ibang usapan po ’yun. Kasi syempre kung alias ’yan, wala talaga ’yan sa database ni Miss Grande,” sabi ni Aquino.

Gayunman, sinabi rin niya na hindi pa naitatatag o inaamin ng defense na aliases ang mga naturang pangalan.

Hiniling ni Aquino na masuri kung aliases nga ang mga ito at, kung gayon, kung sino ang mga totoong tao sa likod ng mga pangalan.

Pumasok si Sen. Tulfo sa ibang bahagi ng ebidensiya.

Bagama’t sinabi niyang maaaring gamitin ang alias upang protektahan ang pagkakakilanlan ng isang informant, kinuwestiyon niya ang tila magkakahawig na pirma at sulat-kamay sa ilang acknowledgment receipts.

Sinabi ni Tulfo na nais niyang marinig sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco upang maipaliwanag ang kanilang nalalaman tungkol sa mga pangalan, pirma at acknowledgment receipts na ginamit sa liquidation ng confidential funds.

Nauna nang inalis ng prosecution sina Lachica at Nolasco sa witness list nito.