Proseso ng rehistro ng bagong MC na may makinang 200cc pababa umpisa na

Jun I Legaspi May 16, 2023
165 Views

NAGSIMULA nang magproseso ang Land Transportation Office (LTO) ng rehistro ng mga bagong motorsiklo na may makinang 200cc pababa na ngayon ay mayruon nang tatlong taong bisa o validity.

Mahigit isanlibong motorsiklo na may engine displacement na 200cc pababa ang nairehistro sa Land Transportation Management System (LTMS) sa unang araw ng pag-iral ng Memorandum Circular No. JMT-2023-2395 Lunes, Mayo 15.

Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade, bahagi ito ng pagsisikap ng ahensya na maging magaan para sa publiko ang pagproseso at mga transaksyon sa ahensya.

“Using the LTMS for the registration of these brand new motorcycles demonstrates how both the agency and the public benefit from the digitalization of LTO’s frontline services. We must maintain this momentum and expand it to make services for the public easier, simpler, and more convenient,” dagdag ni Tugade.

Ini-anunsyo nuong nakaraang buwan ang nasabing polisiya at nakatanggap ito ng mga positibong komento mula sa mga motorista na naniniwalang ito’y makakatulong upang mabawasan ang abala sa pagproseso at gastusin sa taunang pagpaparehistro.

Nauna nang ipinahayag ni LTO Chief Tugade na kumbinsido ang ahensya sa roadworthiness ng mga brand new motorcycle na may engine displacement na 200cc pababa at makatwirang ipatupad ang initial registration na may tatlong taong bisa.

Alinsunod sa dating polisiya, ang mga brand new motorcycle lang na may engine displacement na 201cc pataas ang kuwalipikado para sa tatlong taong bisa ng initial registration.

Sa hiwalay na pahayag, suportado ng mga motorcycle owners maging ng mga dealers sa bagong programa ng LTO.

“Maganda po ang programang ito,” saad ng isang motorcycle rider.