MPOX Isang halimbawa ng mga pantal ng taong may mpox. Ayon sa Philippine Society of Microbiology and Infectious Diseases (PSMID) nitong Lunes, Hunyo 2, wala pang aprubadong antiviral na gamot para sa mpox, at karamihan sa mga pasyenteng may mpox ay gumagaling kahit walang antiviral treatment. PNA file photo, kagandahang-loob ng DOH Ilocos Region

PSMID: Pagkalat ng mpox di mapipigilan ng face mask

32 Views

HINDI makapipigil sa pagkalat ng mpox o monkeypox ang pagsusuot ng face mask, ayon sa grupo ng mga espesyalista sa nakahahawang sakit nitong Lunes.

Ito’y kasunod ng mga lumalabas na impormasyon online na umano’y magkakaroon ng sapilitang pagsusuot ng face mask at lockdown sa buong bansa upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

“Ang mpox ay hindi karaniwang naipapasa sa pamamagitan ng hanging mula sa ibang kuwarto, pamilihan, opisina at kahit sa loob ng eroplano,” ayon sa pahayag ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Inc. (PSMID).

“Kaya’t hindi kailangan ang sapilitang pagsusuot ng face mask sa mga ganitong lugar o sa buong komunidad,” sinabi ng PSMID.

Mariin nang itinanggi ng Department of Health (DOH) ang mga kumakalat na balita tungkol sa umano’y lockdown dahil sa mga kasong mpox sa bansa.

Ayon sa mga awtoridad sa kalusugan, ang pangunahing paraan ng pagkalat ng mpox ay sa pamamagitan ng matagal na skin-to-skin contact—gaya ng halikan, pakikipagtalik at yakapan—sa taong may dalang virus.

Maaari rin itong kumalat sa pamamagitan ng mga respiratory droplets mula sa maysakit, o sa paghawak sa mga kontaminadong gamit gaya ng tuwalya o kumot na nadikitan ng pantal mula sa mpox.

“Ang mga taong may pantal sa balat ay kailangang magpatingin sa mga propesyonal sa kalusugan upang ma-assess nang maayos. Nakukumpirma ang mpox gamit ang PCR test mula sa sample ng pantal,” dagdag ng PSMID.

Pinapayuhan ang mga taong may pantal na umiwas sa pagkakaroon ng malapitang kontak sa iba habang nakakahawa pa ang kanilang kondisyon.

Kabilang sa mga dapat gawin ay takpan ang pantal gamit ang malinis na gasa, iwasan ang skin-to-skin contact, huwag magbahagi ng personal na gamit habang may pantal, at manatili sa hiwalay na kuwarto habang nagpapagaling.

Ayon pa sa PSMID, wala pang napatunayang antiviral na gamot para sa mpox, at karamihan sa mga kaso ay gumagaling kahit walang antiviral treatment.

“Subalit, may mga indibidwal na may ibang sakit tulad ng hindi kontrolado o hindi ginagamot na HIV o kanser na maaaring makaranas ng mas matinding sintomas at kailangang maospital,” ayon sa PSMID.

May bakuna ring makatutulong upang maiwasan ang mpox, ngunit limitado ang suplay sa buong mundo.

Kumpirmado ng DOH na lahat ng kaso ng mpox sa bansa ay kabilang sa Clade 2, at hindi sa mas nakamamatay na Clade 1B na siyang nagdulot ng outbreak sa Democratic Republic of Congo noong 2024.

Hinihikayat ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon ukol sa mpox at iba pang isyung pangkalusugan mula sa World Health Organization (WHO), DOH at lehitimong samahang medikal. Philippine News Agency