Calendar

Publiko hinarap ni Mayor Honey sa ‘City Hall on the Go’
HUMARAP si Manila Mayor Honey Lacuna noong Biyernes sa mga residente ng ika-limang distrito sa “City Hall on the Go” ng Kalinga sa Maynila.
Hindi lamang mga residente ng Barangay 645 sa kanto ng Real at Solana Sts. sa 5th District ang nabiyayaan ng mga serbisyong dala ng Kalinga sa Maynila kundi pati ang mga karatig-barangay.
Nakasentro sa pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan na dala ng alkalde tulad ng libreng medical check-up sa mga senior citizen, solo parents at person with disability, libreng bunot ng ngipin at fluoride services, libreng gamot, reading glass, masahe at gupit.
Nagsagawa rin ang City Hall on the Go ng Job Fair para sa mga aplikanteng naghahanap ng trabaho.
Maging ang mga legal na problema ng mga mamamayan sa naturang distrito tinugunan ng alkalde sa tulong ng kanyang mga kasamang abogado habang ang mga nagnanais magpabakuna ng flu at pneumonia vaccine natugunan din sa naturang kaganapan.
Sa susunod na linggo dadayo ang City Hall on the Go sa ika-anim na distrito ng Maynila na sumasakop sa bahagi ng Paco, Pandacan, San Miguel, Santa Ana at hangganan ng Sta. Mesa.