Martin

Publiko makikita kung saan mapupunta pondo ng Maharlika

191 Views

BUKAS sa publiko ang mga dokumento ng mga transaksyong gagawin sa paggamit ng Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez tinanggap ng mayorya ang mga suhestyon ng House Minority bloc kaya mas lalong gumanda ang panukalang MIF na inaprubahan ng Kamara bago nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso noong Disyembre 15.

“During the lengthy and exhaustive plenary deliberations on House Bill 6608, we have adopted various safeguards to ensure we can achieve the objectives of the Maharlika Investment Fund, and one of such is a provision to ensure transparency on relevant financial matters pertaining to the MIF,” ani Romualdez.

Sa ilalim ng inaprubahang bersyon ng MIF bill (House Bill 6608) mayroon umanong probisyon na nagsasabi na maaaring gamitin ng publiko ang kanilang right to freedom of information upang makita ang mga transaksyong pinapasok ng Maharlika Investment Corporation na siyang mangangasiwa sa pondo.

Ang probisyong ito ay ipinasok ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, isa sa mga miyembro ng Minority bloc.

Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng technical working group (TWG) para sa HB 6608, wala ang probisyong ito sa bersyon na inaprubahan ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries.

“The 3rd reading version now creates an MIF that is significantly more transparent and accountable than the committee report. I am proud of the work of the Technical Working Group, which included recommendations from the minority,” sabi ni Salceda.

Sa ilalim ng Section 43 ng HB 6608, lahat ng dokumento ng MIF at MIC ay magiging bukas sa publiko.

Kasama sa mga dokumentong bubuksan sa publiko ay ang plano o negosasyong pinapasok ng MIC, ang paglalagyan ng MIF, ang mga statements of assets and liabilities (SALNs) ng mga miyembro at opisyal ng board of directors, risk management unit, at advisory board, at dokumento na ginamit ng internal at external auditor at auditor ng Commission on Audit.

Ang mga dokumento kaugnay ng investment activity ay itatago rin ng National Archives of the Philippines upang maaaring makita ng lahat.

Dapat ding sumunod ang MIC sa Republic Act (RA) No. 8799 o ang Securities Regulation Code, Republic Act No. 11232, o ang Revised Corporation Code, at iba pang batas, at rules and regulations na may kaugnayan sa pamumuhunan.