BI

Puganteng Tsino huli sa kasong panloloko

Jun I Legaspi Nov 24, 2025
386 Views

INIULAT ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa puganteng Chinese national na pinaghihinalaang miyembro ng fraud syndicate sa San Miguel, Maynila.

Naaresto noong Biyernes si Chen Qingyang, 38, na hinahanap sa China dahil sa malalaking kasong pang-ekonomiya, ayon kay FSU Chief Rendel Ryan Sy.

Natiklo ang suspek sa Sunland Building sa Casal St., ayon sa opisyal.

May detention warrant si Chen mula sa Quanzhou Public Security Bureau noong 2019. Ayon sa mga awtoridad, naglustay ang suspek ng mahigit CNY 3 milyon mula sa isang kompanyang Tsino habang nagsilbing shareholder at legal representative nito.

Ang ninakaw na pondo ay ginamit para sa pansariling interes, kabilang ang pagbili ng investments at pagbabayad ng utang sa credit card—mga gawaing itinuturing na mabigat na krimeng pang-ekonomiya sa China.

Binigyang-diin ni Sy na ang tagumpay ng FSU ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng BI laban sa mga pugante at dayuhang kriminal na nagtatago sa Pilipinas.

Dagdag pa niya, nagpakita ng indikasyon na ginagamit sa fraud operation ang lugar kung saan naaresto ang Chinese dahil sa libu-libong gadgets at electronic devices na karaniwang ginagamit sa online fraud o ilegal na digital operation.

Nadiskubre rin ang 15 pang Chinese nationals na hindi nakapagpakita ng wastong pasaporte o lehitimong dokumento sa imigrasyon nang hingin ng mga awtoridad.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang aksyon ng FSU, at binigyang-diin na ang operasyon ay sumasalamin sa matatag na paninindigan ng administrasyong Marcos laban sa mga sindikatong kriminal.

“Pinaghihinalaan naming ang hub na ito ay nagsusuplay ng gadgets na ginagamit sa mga scam hub,” sabi ni Viado.