Calendar
Pulis Albay nagpakita ng malasakit sa batang maysakit
BILANG pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang ugnayan ng pulisya at mamamayan at itaguyod ang tunay na serbisyo publiko sa ilalim ng “Bagong Pilipinas,” patuloy na isinasabuhay ng Philippine National Police (PNP) ang mga gawaing may malasakit na sumasalamin sa diwa ng PNP Focus Program.
Sa lalawigan ng Albay, ipinamalas ni Police Master Sergeant Yumie R. Barante ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa ilalim ng Albay Police Provincial Office ang tunay na diwa ng paglilingkod sa pamamagitan ng pagtulong sa 3-anyos na batang maysakit na may malaking bukol sa kaliwang kamay.
Ilang ulit na tinulungan ni Barante at ng kanyang team ang pamilya ng bata sa pagpunta sa ospital para sa mga pagsusuri at gamutan, at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay para matiyak ang tuloy-tuloy na pangangalaga.
Dahil sa kanilang pagtutok, nakatanggap ang bata ng wastong atensiyong medikal ― isang patunay ng dedikasyon ng PNP hindi lamang sa pagpapanatili ng katahimikan, kundi sa pangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan.
Noong Setyembre 21, 2025, muling bumisita ang grupo sa tahanan ng bata upang kamustahin ang kalagayan nito. Naghatid sila ng gatas, bitamina at isang simpleng laruan, maliit mang bagay ay nagdulot ito ng ngiti at pag-asa sa bata at sa kanyang pamilya.
“Ang tunay na pagsisilbi ng pulis ay hindi lang nasusukat sa pagpapatupad ng batas, kundi sa bawat pusong ating natutulungan at pag-asang ating naibabalik,” ani Acting Chief PNP PLt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. “Ito ang diwa ng PNP, matatag sa tungkulin, ngunit may puso ring handang magmalasakit.”
Samantala, binigyang-diin ni PBrig. Gen. Randulf T. Tuaňo, tagapagsalita ng PNP, na ang ganitong mga kuwento ng kabutihan ay salamin ng patuloy na pagbabago sa loob ng organisasyon.
“Bawat maliit na gawa ng kabutihan ng ating mga pulis ay tulay ng tiwala sa pagitan ng kapulisan at mamamayan,” ani Tuaňo. “Ito ang patunay ng isang serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman.”
Muling tiniyak ng PNP ang buong suporta nito sa direktiba ni Pangulong Marcos para sa pagtatag ng isang pulisya na mapagkakatiwalaan, makatao at may malasakit.

