Bangkay Source: File photo ni JONJON C. REYES

Pulis blangko sa bangkay ng lalaki na nakita sa eskinita

39 Views

INAALAM pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng
isang bangkay ng lalaki na natagpuang duguan sa eskinita sa Quezon City nitong Lunes ng hapon.

Inilarawan ang biktima na nasa edad 35-45, may taas na 5’3”, fair complexion, medium build, at nakasuot ng black jeans.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:30 ng hapon nitong Lunes (June 2), nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa kanto ng Fort Santiago at Tacloban Sts., sa Brgy. Alicia, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/MSg Rainier Robert Abundo, apat na menor de edad ang nakakita sa biktima na duguang nakadapa sa bakanteng lote sa lugar kaya agad na inireport sa mga opisyal ng barangay.

Agad na iniulat ang insidente sa QCPD Police Station 15 parra sa imbestigasyon at tamang disposisyon.

Dumating ang SOCO Team mula sa QCPD-FU, sa pangunguna ni P/Cpt. Darrel Rey Ebol at narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang 11-pulgadang kutsilyo.

Sa pagsusuri, nagtamo ng mga sugat sa kaliwang pulso, leeg at saksak sa dibdib ang biktima.

Nabatid na bago ang insidente, nakita ang biktima na mag-isang naglalakad sa harap ng bakanteng lote na tila balisa at hindi mapakali. . ###