Dedo

Pulis na nakasibilyan hinoldap, 2 suspek nakipagbarilan, tigok

Alfred Dalizon Nov 12, 2026
96 Views

Holdaper1DEDO ang dalawang holdaper na nangholdap sa naka-sibilyang pulis habang sugatan naman ang isa sa mga operatibang nakipagbarilan sa mga suspek Huwebes ng hapon sa Taguig City.

Dead-on-the spot ang mga suspek, isa rito’y nakilala sa alyas “Flor”, 47, habang sugatan naman ang pulis na may ranggong Staff Sergeant na dinala sa Medical Center Taguig para lapatan ng kaukulang lunas.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano, nagsasagawa ng surveillance operation ang tatlong naka-sibilyang pulis para sa tinutugis na wanted na kriminal nang holdapin ng mga suspek na armado ng baril ang isa sa mga pulis na may ranggo ring Staff Sergeant dakong alas-12:45 ng hapon sa tapat ng isang pares store sa Brgy. Ususan.

Nang makuha ng mga suspek ang kuwintas ng pulis, sumakay na sa motorsiklo para tumakas ang mga ito habang tumawag naman sa 911 ang biktima para humingi ng police assistance.

Nagawa namang abutan ng mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 4 ang mga suspek sa kanto ng Cayetano Blvd. at Bagong Calzada subalit pinaputukan sila ng mga suspek na dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis.

Bumulagta ang dalawa sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan at nabawi sa kanila ang tinangay na kuwintas pati na ang ginamit na armas at motorsiklo.