Isko

Yorme Isko binili sa Landbank lote sa C.M. Recto para pagtayuan ng permanenteng UdM

Edd Reyes Nov 12, 2026
86 Views

INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagtatayo ng permanenteng gusali ng Universidad de Manila (UdM) matapos mabili ng pamahalaang lungsod ang 7,000 metro-kuwadradong lupa sa C. Recto sa halagang P975 milyon.

Ginanap ang pormal na paglalagda ng kontrata sa pagbili ng loteng pag-aari ng Land Bank of the Philippines Huwebes ng hapon sa Manila City Hall, Bulwagang Katipunan, kung saan binanggit ng alkalde na nagawa niyang tawaran ang tunay na halaga ng lupa.

“Ito pong property na ito ay nagkakahalagang tumataginting na P2.3 billion. Kaya ko kayo pinapapalakpakan sa kanila eh, kasi nakuha lang natin ng P975 million,” pahayag ng alkalde.

Sinabi pa ng alkalde na nakaayos din bilang hulugan ang kasunduan at kahit ang paunang bayad ay binayaran din ng hulugan na iniugnay sa tiwala ng Landbank sa disiplina sa pananalapi at dedikasyon sa kapakanan ng publiko ng pamahalaang lungsod.

Target ng lokal na pamahalaan na matapos ang pagtatayo ng bagong UdM sa taong 2028, kung saan magkakaroon ng 84 na silid aralan mula sa dating 48 at karagdagang walong laboratory facilities na mapapakinabangan ng 20,000 estudyante mula sa 9,000 lamang na kapasidad ng kasalukuyang unibersidad.

Nangako naman si Lanbank President at CEO Lynette V. Ortiz ng karagdagang kapital upang makatulong sa pagpapaayos ng propriyedad at pagsasaayos ng sistema sa kampus sa ilalim ng programa nitong Cash-Lite Campus para sa digital na pagsasama-sama sa pananalapi.

Sa oras namang makumpleto na ang bayad, maililipat na ang titulo ng lupa sa Ud Mbilang isang institusyon na magbibigay daan sa unibersidad na maging permanenteng nagmamay-ari ng campus na hiwalay sa pamamahala ng mga susunod na administrasyon ng lungsod.