Pulis sinagasaan ng 2 rider na sinita na walang helmet, bali ang kamay

109 Views

NASUGATAN ang isang pulis matapos umanong sagasaan ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo, habang isinasagawa ang Oplan Galugad/Bulabog ng Quezon City Police District (QCPD) gabi ng Biyernes sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Ayon sa ulat, nabalian ng kanang kamay ang pulis makaraang banggain ng motorsiklo ng mga suspek dakong alas-9:45 ng gabi sa Riverside Street, Brgy. Commonwealth, habang pinipigilan ang mga itong tumakas.

Agad namang naaresto ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Edmundo” na 23-anyos at alyas “Harvey” na 18-anyos, kapuwa residente ng Brgy. Holy Spirit, na nahaharap sa kasong direct assault at resistance and disobedience to a person in authority.

Base sa imbestigasyon, napansin ng mga pulis ang dalawa na walang suot na helmet at naka-tsinelas at shorts habang sakay ng motorsiklo at papalapit sa lugar ng operasyon.

Nang sitahin ng mga awtoridad, sa halip na huminto ay tinangka pang tumakas ng mga suspek hanggang sa mabangga ang pulis na nagresulta sa kanyang pagkasugat. Kalaunan ay natumba ang motorsiklo ng dalawa kaya agad silang naaresto ng mga operatiba.

Dinala ang sugatang pulis sa PNP General Hospital upang malapatan ng lunas.

Nasamsam mula sa mga suspek ang isang itim na Honda motorcycle.

Samantala, sa kabuuan ng operasyon ng QCPD sa Brgy. Commonwealth at Brgy. Culiat, umabot sa 25 katao ang nahuli sa paglabag sa city ordinances, habang limang indibidwal naman ang naaresto sa mga kasong kriminal kabilang ang dahil sa ilegal na droga at illegal numbers game o “ending.”

Umabot naman sa P103,700 ang kabuuang multa sa mga nahuling lumabag sa iba’t ibang ordinansa sa lungsod.

Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng Oplan Bulabog upang masugpo ang kriminalidad at mapanatili ang kaayusan sa lungsod.