Calendar
Source: SPD-PIO
Suspek sa pamamaril sa P’que na ikinadedo ng 2 arestado
TIMBOG ang 59-anyos na suspek sa naganap na pamamaril sa basketball court ng isang pribadong condominium complex, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa katao at pagkasugat ng apat pa noong Miyerkules ng gabi sa Barangay Marcelo Green, Parañaque City.
Sa loob lamang ng 48 oras makaraan ang krimen, natunton ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director PBrig. Gen. Randy Arceo si alyas “William” na residente ng Miami Azure Resort sa Brgy. Marcelo Green, dakong alas-8:30 ng Biyernes ng gabi sa isang condominium unit sa Brgy. Moonwalk, Parañaque City.
Napatay sa naturang krimen sina alyas “Edwin” na 57-anyos at alyas “Arjay” na 29-anyos, habang sugatan ang apat pang sina alyas “Mark,” 26-anyos; alyas “Carlos”; alyas “Regie,” 30-anyos; at alyas “John,” 42-anyos.
May matagal na umanong alitan ang suspek at si alyas Edwin na hinihinalang naging ugat ng pamamaril.
Ayon kay Parañaque Police Chief PCol. Nicolas Pinon, isinilbi rin nila sa suspek ang nakabinbing arrest warrant sa kasong homicide na inilabas ng Taguig City Regional Trial Court noon pang 2012.
Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang dalawang kalibre .9mm pistol, apat na magazine, mga kalibre .9mm na bala at ilang personal na gamit, na magagamit bilag ebidensiya sa nangyaring krimen.
Inihahanda na ng pulisya ang mga isasampang kasong dalawang bilang na murder, apat na bilang ng frustrated murder at paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa Parañaque City Prosecutor’s Office.

