Martin

Pulis, sundalo sa Or. Mindoro nakatanggap ng P600K tulong

Mar Rodriguez Mar 22, 2024
142 Views

SA pagsisikap ni Speaker Martin G. Romualdez, ng Tingog Partylist, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nahatiran ng tulong ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Oriental Mindoro.

Sa isang simpleng seremonya noong Marso 21, iniabot sa 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army at Region IV-B MIMAROPA Regional Police Office ang P300,000 halaga ng tulong kung saan P200,000 ay pagkain gaya ng bigas, delata at noodles at P100,000 tulong pinansyal.

Pinangunahan ni Deputy Secretary-General Sofonias P. Gabonada Jr., na siyang kumatawan kay Speaker Romualdez, ang pagpapa-abot ng tulong sa unipormadong hanay.

“Ipinaaabot po ni Speaker Romualdez at ng Tingog Partylist ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa serbisyong inyong hinahatid para sa pagtatanggol sa ating mga mamamayan,” ani Gabonada

Ang tulong ay tinanggap naman ni PBGen. Adonis Ariel Orio para sa Philippine Army habang si PBGen. Kirby Brion Kraft naman para sa PNP.

Kamakailan ay bumisita ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Oriental Mindoro upang ihatid ang may P1.2 bilyong halaga ng tulong pinansyal at serbisyo ng gobyerno sa mga residente.

Ang tulong para sa mga pulis at sundalo ay isa umanong pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa dalawang araw na Service Caravan.