Sebastian

Pumirma ng di otorisadong importasyon ng 300,000MT ng asukal nagbitiw

199 Views

NAGBITIW na sa puwesto si Leocadio Sebastian bilang Chief of Staff at Undersecretary for Operations ng Department of Agriculture (DA).

Si Sebastian ang sinasabing pumirma sa resolusyon kaugnay ng pag-angkat ng bansa ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.

Sa sulat na ipinadala ni Sebastian kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., humingi ito ng paumanhin sa kanyang pag-apruba sa Sugar Order no. 4.

Inaako umano ni Sebastian ang responsibilidad sa nangyari.

“Thus, I humbly offer to be relieved of mu delegated authorities and assignments and responsibilities in my capacity as Chief of Staff and Undersecretary of the Department of Agriculture,” sabi sa isang pahinang sulat.

Bilang tumatayong kalihim ng Department of Agriculture (DA) si Marcos rin ang nagsisilbing chairman ng Sugar Regulatory Administration at siyang may kapangyarihan na mag-apruba ng resolusyon kaugnay ng pag-angkat ng asukal.

Hindi umano otorisado ang ginawang pag-apruba ni Sebastian sa pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal na sasabay sa panahon ng anihan ng tubo sa bansa. Ni ANCHIT MASANGCAY