Calendar
Puno nabuwal, pumatong sa riles ng LRT 1; biyahe natigil
NAGING pahirapan ang pag-alis ng nabuwal na puno na pumatong sa riles ng train ng Line 1 ng Light Railways Transit Huwebes ng gabi sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Kaagad namang inatasan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga tauhan ng Quick Response Team ng Pasay City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) upang maalis ang nabuwal na malaking puno at malinis ang pinangyarihan ng insidente.
Bunga ng pagkabuwal ng puno sa kahabaan ng Taft Avenue sa kanto ng Lions Road at F. Sanchez St. na pumatong sa riles ng train, pansamantalang naantala ang biyahe ng LRT Line 1 mula Libertad hanggang Baclaran Station habang kinailangan ding isara sa daloy ng trapiko ang bahagi ng Taft Avenue at inatasan ang mga motorista na humanap ng alternatibong madaraanan.
Napabilis lamang ang pag-aalis ng nabuwal na puno nang atasan ng alkalde ang Pasay City Traffic and Parking Management Office (TPMO), Engineering Office, at iba pang departamentong may sapat na kagamitan na tumulong sa mga tauhan ng CDRRMC.
Dakong alas-7:30 ng umaga ng Biyernes nang manumbalik sa normal na operasyon ang biyahe ng LRT sa naturang ruta, habang nalinis na rin kaagad ang mga naghambalang na nabaling sanga ng puno sa kahabaan ng Taft Avenue bago ito binuksan sa daloy ng trapiko.