Calendar
Puwedeng makasuhan pulis na nakatalaga sa 49th ASEAN pag abusado – NCRPO chief
HINDI kukunsintihin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PBGen. Christopher Abrahano ang mga pulis na itatalaga sa 49th ASEAN Summit na mag-aabuso sa kapangyarihan.
Ipinaalala ni Abrahano sa mga tauhan nito na hindi lamang seguridad ng mga lugar na pagdarausan ng summit at mga dayuhang delegado ang kanilang responsibilidad, kundi ang pagbibigay din ng proteksiyon at tulong sa mga motorista, mananakay, establisimyento ng negosyo at mga ordinaryong mamamayan.
Iniutos sa lahat ng itatalagang tauhan na mahigpit na sundin ang mga umiiral na alituntunin at pamamaraan sa operasyon, maging magalang sa pakikitungo sa publiko at umiwas sa anumang hindi awtorisadong panghihingi, pananakot, pangha-harass o maling paggamit ng kapangyarihan bilang pulis.
Inatasan din ang mga hepe ng pulisya na pangasiwaan ang kanilang mga tauhan, tiyakin ang pagsunod sa mga alituntunin sa operasyon at aksiyunan ang anumang reklamong may kaugnayan sa maling asal o paglabag.
Ang mapapatunayang lumabag sa mga alituntunin ng kapulisan o nang-abuso sa kapangyarihan ay haharap sa kaukulang kasong administratibo at kasong kriminal, banta ng NCRPO chief.
Hinimok din niya ang publiko na ireport o itawag sa NCRPO ang anumang insidente ng maling asal o pang-aabuso ng mga pulis, at tiniyak na bibigyang-aksyon at masusing tutugunan ang bawat lehitimong reklamo.

