PWD

PWD tinangkang mangagat ng bata sa bus, konduktor nadale

Edd Reyes Jul 6, 2025
352 Views

NAULIT ang pangangagat ng lalaking PWD (person with disability) na nag-viral noon sa social media matapos bugbugin at kuryentehin sa loob ng pampasaherong bus ng kagatin ang konduktor noong Biyernes sa Makati City.

Pasakay pa lamang ang PWD na may problema sa pag-iisip sa Metrolink Bus Corp. pasado alas-2:00 ng hapon pero namukhaan na siya ng konduktor na si Ricky De Guzman na nag-viral noong Hunyo 9 nang kuyugin sa loob ng bus sa EDSA busway.

Pagsapit ng bus sa Guadalupe, nakita ni De Guzman na tangkang kakagatin ng PWD ang isang bata kaya pumagitna siya upang umawat subalit siya ang kinagat nito sa likod at braso.

Natigil lamang ang pangangagat ng PWD nang rumesponde na ang mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) at Philippine Coast Guard (PCG) pagsapit sa bus stop kaya’t bumaba at kaagad nakalayo ang lalaki.

Ipinasiya ni De Guzman na ipa-blotter na lamang sa barangay ang pangyayari at huwag ng maghain ng reklamo bago magtungo sa pagamutan upang magpaturok ng anti-rabies.

Hindi nalaman kung saan nagtungo ang PWD.