Isko1 Isa si Brgy. Chairman Alfredo Tan sa naglinis ng mga bara sa kanal sa kanyang nasasakupang lugar bilang pagtalima sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso. Kuha ni JonJon Reyes

Barangay officials nag-umpisang linisin kalye, kanal sa Maynila

Jon-jon Reyes Jul 6, 2025
443 Views

PINANGUNAHAN ng mga barangay opisyal ng Brgy. 735 sa Zone 80 sa Malate, Manila ang paglilinis, pag flushing sa mga kalye at pag tanggal ng mga bara sa mga kanal katulong ng mga opisyal ng barangay at residente noong Sabado.

Ang ginawang Clean up drive ni barangay chairman Alfredo Tan pagtalima sa Executive Order No. 3 ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nag-aatas sa lahat ng barangay sa Maynila na gawing regular ang paglilinis sa kanilang mga lugar at lansangan tuwing Sabado.

Sa unang araw ng pagtalima sa kautusan, nagkaroon ng kanya-kanyang post sa social media ang mga residente at barangay ng larawan ng malinis na kalsada, kanal, bangketa at wala na rin ang lugar na dating ginawang tambakan ng basura.

Umapela si Manila Barangay Bureau (MBB) Director Joel Par sa lahat ng mga opisyal ng barangay na makipagtulungan upang manumbalik ang kalinisan at kaayusan ng lungsod.

“Every Saturday na po itong gagawin alinsunod sa kautusan ng alkalde,” dagdag nya.

Nanawagan siya sa mga opisyal ng barangay na kalimutan na ang pulitika at sa halip ay magkaisa upang mabigyang kalutasan ang panganib sa kalusugan sanhi ng krisis sa basura.

“Tapos na po ang halalan kaya ang panawagan ng ating alkalde, ituon ang ating panahon para magkaroon ng isang boses para matugunan ang suliranin sa basura,” sabi ni Par.