Motorsiklo

Motorsiklo na maingay tambutso bawal sa Maynila

Edd Reyes Jul 6, 2025
402 Views

TAPOS na ang maliligayang araw ng mga may-ari ng motorsiklong maiingay ang tambutso dahil sa inilabas na Executive Order ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nagbabawal sa kanila na dumaan sa Lungsod ng Maynila.

“Bawal na bawal na ang mga maingay na tambutso ng motorsiklo sa Maynila! Huwag n’yo kaming subukan—kapag nahuli kayo, walang pakiusap, kumpiskado agad ang tambutso niyo,” mariing babala ni Mayor Isko.

Matapos ilabas ng alkalde ang kautusan isang araw matapos siyang maluklok sa puwesto, nagsimula ng manghuli ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ng mga riders na naka-modified ang mga tambutso na labis na lumilikha ng malakas na ingay na nakakabulahaw sa mga residente, lalu na sa hatinggabi.

Ayon kay Mayor Isko, may gamit na decibel meter ang mga pulis na manghuhuli ng mga motorsiklong may maingay na tambutso upang sukatin kung lagpas sa umiiral na ordinansa ang nililikha nitong ingay.

Nito lang nakaraang Biyernes ng hapon, iprinisinta ni MPD Raxabago Police Station Commander P/Lt. Col. Ronald De Leon ang 13 tambutso na naka -modified o pinalitan para lumikha ng malakas na ingay na kanilang kinumpiska sa isinagawang checkpoint sa Road-10 at Capulong St. sa Tondo.

Bukod sa pagkumpiska sa mga tambutso, inisyuhan din ng ordinance violation receipt (OVR) ang mga riders ng motorsiklo.

Nilinaw naman ni Mayor Isko na hindi saklaw ng ordinansa ang mga motorsiklong may 400cc pataas ang makina, gayundin ang mga nagkakabit at nagbebenta ng mga maiingay na tambutso.