Suspek

Nangharbat ng motor, nanutok ng boga inaresto

Edd Reyes Jul 5, 2025
262 Views

GunKULONG ng 37-anyos na lalaking suspek sa pagnanakaw makaraang tutukan ng baril at pagbantaang patayin ang may-ari ng motorsiklong tinangay niya noong Sabado sa Valenzuela City.

Sa harap ng kanyang bahay sa Gen. T. De Leon inaresto ng mga tauhan ni Valenzuela Acting Police chief P/Col. Gerson Bisayas ang suspek na si alyas Eman makaraang ireklamo ng truck helper na natangayan ng motorsiklo.

Sa ulat ni Col. Bisayas kay Northern Police District (NPD) acting director P/BGen. Arnold Abad, natuklasan ng biktima ang pagkawala ng motorsiklo dakong alas-5:00 ng umaga.

Nakilala niya ang suspek nang rebisahin ang kuha ng CCTV.

Nang puntahan ng biktima sa bahay si alyas Eman upang komprontahin, tinutukan pa siya ng baril at binantaang patayin kaya’t humingi siya ng tulong sa mga pulis kaya nadakip ang suspek

Nakumpiska ng mga pulis kay Eman ang hindi lisensyadong kalibre .38 revolver at dalawang bala pati ang ninenok na motorsiklo.