Enforcer

Traffic enforcer tumulong maghatid ng pasyente sa ospital, tigok sa pagod

Edd Reyes Jul 5, 2025
277 Views

NASAWI ang babaeng traffic enforcer na tumulong sa paghahatid sa ospital ng isang pasyente, matapos mapagod sa pagtulak sa tumirik na e-trike Biyernes ng hapon sa Malabon City.

Ayon kay Ret. Col. Rey Medina Jr., hepe ng Malabon City Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO), nagsasa-ayos ng daloy ng trapiko sa kanto ng Leoño Street at Rizal Avenue sa Barangay Tanong Poblacion si T/E Janet Respicio, 48-anyos at residente ng Bayan-bayanan, nang humingi sa kanya ng tulong ang e-trike driver na maghahatid ng pasyente sa Ospital ng Malabon (Osmal) dakong alas-3:10 ng hapon.

Tumirik umano ang e-trike nang ma-lobat kaya’t humingi ng tulong ang driver para makakuha ng ambulansiyang maghahatid sa pasyente.

Dahil matatagalan pa ang pagdating ng ambulansiya, nagpasiya si Respicio na itulak ang e-trike patungong Osmal sa F. Sevilla Street sa likod ng Malabon City Hall.

Subalit nang malapit na sa naturang pagamutan, napansin ng isa pang traffic enforcer sa lugar na si Evelyn Encenarial ang paninikip ng dibdib ng biktima at dumadaing na nahihirapang huminga.

Kaagad silang kumuha ng wheelchair sa pagamutan at isinakay dito si Respicio subalit napansin na nila na naninigas at naihi na sa suot na uniporme ang traffic enforcer hanggang bawian ng buhay sa emergency room ng naturang ospital.

Sinabi ni Medina na irerekomenda niya kay Mayor Jeannie Sandoval na mabigyan ng posthumous commendation ang nasawing traffic enforcer dahil sa ipinakitang pagmamalasakit hindi lang sa kanyang trabaho kundi sa serbisyo sa kapuwa.