Calendar
QC cops nalambat 2 suspek sa pagnanakaw, pagpatay
NAARESTO ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawa sa apat na suspek na tumangay ng motor at pumatay sa rider noong Huwebes.
Kiniala ni P/Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz, hepe ng Anonas Police Station (PS-9), ang mga nadakip na sina alyas Mark, 27, at Reggie, 39. Hindi pa nahuhuli ang dalawa pang suspek sa krimen na kinabibilangan ng gunman at ang nagsilbing driver.
Sa imbestigasyon nina P/SSg Erwin Jay Mendez at PSSg Raymark Paligutan, alas-2:30 ng madaling araw noong Huwebes naaresto si Mark sa Brgy. Sauyo, Quezon City at natunton din ang isa pang suspek matapos maaresto si Mark.
Nangyari ang pamamaril noong Miyerkules, bandang ala-5:30 ng umaga kung saan natagpuang duguan at may tama ng baril sa dibdib at wala nang buhay ang biktima. Tinangay din ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima.
Natunton ang mga suspek at nakumpiska ang isang cal .38 revolver, mga bala, isang cal .45 pistol, 2 Honda Click 125 at assorted motorcycle tools.
Inihahanda na ang kasong carnapping with homicide laban sa mga suspek.

