Mpox Nigeria Centre for Disease Control/WHO

QC fitness center di kinonfirm mpox transmission, ikinandado

Cory Martinez Aug 26, 2024
112 Views

PINASARA ang Fahrenheit Cafe and Fitness Center (F Club) sa E. Rodriguez Sr. Avenue, Quezon City matapos hindi pinayagan ang contact tracing team na titiyak na walang mpox transmission na makapasok at magsagawa ng imbestigasyon.

Inihain and cease and desist order at Notice of Violation sa naturang establishment sa utos ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, pumunta ang mga tauhan ng City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) ng City Health Department (QCHD) alinsunod sa instruksyon ng Department of Health (DOH) na magsagawa ng inspeksyon dahil sa posibleng mpox transmission sa naturang establisyemento pero hindi umano naki-cooperate ang management ng F Club.

“Itinuturing nating banta sa kalusugan at kapakanan ng mga QCitizen ang ganitong pagtanggi sa isinasagawa nating contact tracing efforts.

Maagap ‘yung ginagawa nating pagtugon at imbestigasyon pero napapatagal at nade-delay dahil ayaw makipag-cooperate,” ani Belmonte.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11332, o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act, mananagot sa batas ang sinumang tao o kompanya na hinihinalang may notifiable disease o naapektuhan ng pampublikong kalusugan na tumangging makipag-cooperate.

Nanawagan si Belmonte sa mga may-ari ng negosyo sa lungsod na makipagtulungan sa pamahalaang lokal lalung-lalo na kung tungkol ito sa public health.