Calendar
QC gov’t ikinalungkot pagpanaw ng ginang na pumila sa AICS payout
IKINALULUNGKOT ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon ang pagpanaw ng isang ginang na nakatakdang makakuha ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa ilalim ng tanggapan ni Coun. Vito Sotto.
Ayon sa ulat, ang 53 taong gulang na residente ng Barangay Sauyo ay nawalan ng malay at nauntog habang nakapila sa payout ng AICS sa Risen Garden ng City Hall. Agad na rumesponde ang emergency response team ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office (QC DRRMO) at dinala siya sa East Avenue Medical Center.
Sa kabila ng pagsisikap ng medical team ng ospital, binawian siya ng buhay makalipas ang ilang minuto.
Nagpaabot na ng burial assistance ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng residente. Ire-refer na rin ang kanyang bunsong anak para maging bahagi ng scholarship program ng lungsod.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng ginang upang alamin kung paano pa sila maaaring matulungan.
Makakaasa ang bawat QC citizen na rerepasuhin ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga protocol, partikular sa usapin ng kaligtasan, sa lahat ng aktibidad isasagawa ng iba’t ibang organisasyon sa City Hall para matiyak na ito ay sapat para sa lahat.
