QC Isinagawa ang Rapid Visual Screening sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City. SOURCE: Quezon City Government FB

QC gov’t nag-inspeksyon ng mga gusali sa 66 paaralan para masigurong matatag

Cory Martinez Oct 19, 2025
322 Views

KAILANGAN ng mas masusing pagsusuri ng 72 gusali sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City upang masiguro ang katatagan ng mga ito.

Sa isinagawang Rapid Visual Screening (RVS) ng pamahalaang lungsod ng Quezon katuwang ang Philippine Institute of Civil Engineers–Quezon City Chapter (PICE-QC), kabilang ang naturang bilang mula sa higit na 500 school buildings na na-inspeksyon sa 66 na paaralan.

Natukoy ang mga gusaling ito na nangangailangan ng mas masusing pagsusuri dahil sa ilang observations na nakita.

Isinagawa ang RVS bilang bahagi ng patuloy na programa ng QC government para masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at masuri ang kondisyon at katatagan ng kanilang mga gusali.

Kabilang dito ang mga gusaling itinayo bago ang 1992 amendment ng National Structural Code of the Philippines (NSCP) ― panahong hindi pa lubos na naisasama ang standards para sa earthquake-resistant design.

Ilan din sa mga gusaling ito ay may tinatawag na vertical o plan irregularity, na nangangahulugang kailangan ng karagdagang pag-aaral ng kanilang structural design.

Isasailalim naman ang mga naturang gusali sa Level 2 Screening, kung saan magsasagawa ng mas detalyadong pagsusuri ang mga structural engineers upang matiyak ang kanilang structural integrity.

Tinitiyak ng pamahalaang lungsod na ang mga hakbang na ito ay bahagi ng proaktibong paghahanda ng lungsod upang mapanatiling ligtas at handa ang mga paaralan at mga mag-aaral sa harap ng anumang posibleng sakuna.