Calendar

QC ipinasara 2 inns na sangkot sa exploitation ng mga bata
ISINARA ng Quezon City government ang dalawang lodging establishments na sangkot umano sa trafficking at exploitation ng mga menor-de-edad.
Iniutos ni Mayor Joy Belmonte ang pagpapasara ng Blazingwood Apartelle sa Brgy. San Agustin dahil sa paglabag sa Section 75 (c) ng Quezon City Revenue Code.
Ipinasara din ang MC Hotel (Maxmuller, Inc.) dahil sa paglabag sa Quezon City Liquor Ordinance na bawal payagan ang mga menor-de-edad na uminom ng alak sa kanilang establisyemento.
Pinangunahan ng Philippine National Police Women and Children Protection Center-Luzon Field Unit (PNP WCPC-LFU), sa pakikipagtulungan sa Caloocan City Social Welfare Department at QCPD, ang pagpapasara sa dalawang establisyemento.
Anim na menor-de-edad ang nasagip mula sa apartelle at dalawa ang naaresto dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
“Nakakalungkot na ang mga kabataan, na dapat ay nasa paaralan, nagiging biktima ng mga mapagsamantalang tao. Hindi kami titigil hangga’t hindi napaparusahan ang mga ito. Susuyurin namin ang lahat ng establisyemento kung kinakailangan,” ani Belmonte.
Sa isinagawang operasyon naman noong Hunyo 18 ng QC Social Services Development Department (SSDD), QCPD at PNP WCPC-LFU, nasagip ang may 20 na menor- de-edad mula sa hotel.
Kinumpirma ng mga social worker na sangkot ang ilan sa mga bata sa sex work at naglalagi sa naturang hotel mahigit sa dalawang linggo na.
Sinabi naman ng ilang kabataan na madalas silang pumunta sa hotel upang mag-swimming at sangkot sa mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak.
Nasa pangangalaga ng Quezon City Processing Center at Bahay Kanlungan ang mga nasagip na bata samantalang kinokontak na ang kanilang mga pamilya.