QC palengke nagtitinda na ng P42-P45 kilo/bigas

Cory Martinez Nov 12, 2024
104 Views

PWEDE na makabili ng regular at well-milled na bigas sa halagang P42-P45 kada kilo sa ilang palengke sa Quezon City.

Sa inspeksyon nina Atty. Genevieve E. Velicaria-Guevarra, Agriculture Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs; at Arnel De Mesa, Assistant Secretary for Special Concerns and Official Development Assistance (ODA) at DA spokesperson, makakabili na ng ganitong presyo ng bigas sa Murphy Public Market, Mega Q-mart at Kamuning Public Market.

“May nakita naman tayo na nagtitinda ng P42-P45 both local and imported. Iyong mas mababa local at karamihan ng imported premium.

Dito may nakita tayo na nagbebenta ng P42-P45 which is in compliance base sa mga naging usapan dito sa tatlong markets,” ani De Mesa.

Ang pagbebenta ng murang bigas napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong noong isang linggo sa pagitan ng DA at ang mga rice retailer sa Metro Manila.

Ayon kay DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., nagkasundo ang mga partido na maaari silang kumita ng tatlo hanggang limang piso kada kilo ng bigas.

“Maraming salamat po sa inyong kooperasyon. Malaking tulong ito para sa bawat pamilyang Pilipino,” ani Tiu Laurel.

Dagdag pa ng kalihim, mahalaga ang pagsasagawa ng konsultasyon upang maresolba ang mataas na retail price ng bigas sa mga merkado sa kabila ng pagbaba ng taripa sa bigas.

Tiniyak ng DA sa publiko na direktang iuugnay ng pamahalaan sa mga nagtitinda sa palengke sa mga importer upang ma-streamline ang supply chain.

“Ang sabi po kasi ng mga nakausap namin hindi sustainable ang murang bigas kasi walang nagbebenta sa kanila na ganoong presyo.

Ang sabi naman po namin sa kanila, meron po kami na pwede i-connect sa kanila upang hindi na ganoon karaming traders pa ang dadaanan nila,” sinabi ni Guevarra.

“Kasi, kung marami na naman na traders o wholesale-traders nadagdagan pa kahit pa-piso kada sako. Nadadagdagan din sa consumers. Consumers pa rin ang balik noon,” dagdag pa ni Guevarra.

Muling ipinangako ng DA ang pagpapaigting ng price monitoring effort nito upang matiyak na abot-kaya ang presyo ng regular at well-milled rice.

“Hindi ito pansamantala. Patuloy ang pakikipag-usap natin sa mga stakeholders ng bigas at agri-commodities.

We will continuously meet with all stakeholders in a timely manner from farmer groups to processors trader/importer and retailers to ensure we have stable prices for all within the rice value chain,” ani Tiu Laurel.