QCPD

QCPD nasakote 2 ‘Basag Kotse’ sa Novaliches

283 Views

NADAKMA ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang miyembro ng ‘Basag Kotse’, isa dito ay kaanak ng may-ari nang pinagnakawang kotse sa Novaliches, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni QCPD Director, P/BGen Randy Glenn Silvio, ang mga nadakip na sina alyas “Regie”, 34, residente ng Pasong Tamo, Quezon City, at “Justin”, 29, nakatira sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Gemmer Tubiera, hepe ng Pasong Putik Police Station (PS 16) ng QCPD, inireklamo ng may-ari ng Toyota Vios na binasag ang bintana ng kaniyang sasakyan habang nakaparada sa harap ng kanilang tahanan sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches.

Tinangay ng mga suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng isang Glock 9mm na baril at tinatayang P 200,000 na pera at tumakas sakay ng Yamaha NMAX motorcycle na walang plaka patungo sa entrance/exit ng subdivision.

Matapos iulat ng complainant ang insidente sa PS 16, agad nagsagaa ng follow-up operation ang mga awtoridad at natukoy ang mga suspek at nahuli alas-5:00 ng umaga noong Sabado sa Geronimo Compound, Philand Station, Pasong Tamo, Quezon City.

Lumalabas sa karagdagang imbestigasyon na ang susek na si Justin ay malapit na kamag-anak ng nagrereklamo, at utak umano ng krimen.

Narekober ang mga ninakaw na apat na iba’t ibang savings passbooks; identification cards; mga dokumento; itim na leather wallet; at itim na sling bag.

Sa pag-verify, nabunyag na may naunang kaso si Justin para sa paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022), na inihain noong Abril 2025.

Sinampahan na ng kasong theft ang mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.